PAGBUBUWIS BATAY SA GIE, IBINASURA NG KAMARA

Joey Sarte Salceda

SA WAKAS, mawawala na ang sistema sa pagbubuwis batay sa ‘gross income earned’ (GIE) kapag naisabatas na ang panukalang ‘Corporate Income Tax and Incentives Rationalization Act (CITIRA o HB 4157) na ipinasa ng Kamara kamakailan sa botong 170, kumpara sa walong kontra at anim na hindi bumoto.

Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, House Ways and Means Committee chair at isa sa pangunahing may-akda ng HB 4157,” ang GIE ang nanay ng mga abusadong ‘transfer pricing’ na dahilan ng pagkawala ng P296 bilyong dapat binayarang buwis sa pamahalaan sa nakaraan.

“Payag ang Kamara na babaan ang ‘corporate income tax rates’ bilang insentibo para sa mga kuwalipikadong negosyo, tahasan nitong inaayawan ang dalawang magkasabay na sistema sa pagbubuwis — ang GIE para sa mga may insentibo, at ang karaniwang batayan nito, ang kita,” paliwanag ni Salceda.

Ang CITIRA ang buod at ikalawang ‘package’ ng ‘Comprehensive Tax Reform Program’ ng administrasyon. Itina­laga ito ni Pangulong Duterte bilang tugon sa ‘US-China trade war.’ Binabago nito ang estruktura ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagbawas sa ‘income tax’ ng isang milyong ‘micro, small and medium enterprises’ (MSMEs) na umi­empleyo ng karamihan sa mga Filipino, habang isinasaayos naman ang insentibo ng mga 3,100 korporasyon.

Inaalis ng CITIRA ang panghabang-buhay na 5% buwis sa GIE at  hinihimok ang mga mamumuhunan at ‘foreign locators’ na mag-aplay sila sa pagpapahaba sa lima hanggang pitong taong taning ng kanilang mga insentibo, kung nasusunod nila ang mga panuntunan ng programa. Pananatilihin pa rin ang kasalukuyang mga insentibo nila sa loob ng limang taon.

“Batay sa mga datus, ang abusadong ‘transfer pricing’ sa ilalim ng GIE kung saan ‘gross income’ ang basehan  ng pagbubuwis, ang ugat ng pagkalusaw ng inaasahang P296 bilyong dapat binayarang buwis sa pamahalaan  mula 2011 hanggang  2017 ng 3,100 piling korporasyon. Nag-bigay ng legal na batayan para mapababa ang dapat nilang tamang buwis,” habang ang mga MSME ay naobligang magbayad ng 30% base sa ‘net income’ nila,” paliwanag niya.

“Ang pag-alis sa GIE ay bahagi rin ng pagsusumikap ng Kamara na isulong ang Filipinas na maging kasapi ng ‘Organization for Economic Cooperation and Deve­lopment na kasaluku­yang may 130 miyembro na kontra sa “base erosion and profit shifting [BEPS] framework” at isinusulong ang “global tax fairness and transpa­rency mechanisms,” paliwanag niya.