NEGROS OCCIDENTAL- INIHAYAG ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHILVOLCS) na patuloy ang pagbaba ng bilang ng mga lindol at paglalabas ng sulfur dioxide ng Bulkang Kanlaon.
Batay sa pinakahuling 24-hour monitoring ng Phivolcs, tatlong volcanic earthquake lamang ang naitala mula Lunes ng hatinggabi hanggang Martes ng hatinggabi.
Bago rito, naitala ang anim na volcanic earthquakes.
Nagkaroon din ng matinding pagbaba sa volcanic tremors mula hatinggabi ng Linggo hanggang hatinggabi ng Lunes na dati ay nasa double digit.
Sinabi rin ng ahensya na naglabas ang bulkang Kanlaon ng 500-meter tall plume na may “moderate emission” at 2,249 metric tons ng sulfur dioxide flux sa 24-hour surveillance.
Matatandaan na sumabog ang Bulkang Kanlaon sa Negros Island noong Hunyo 3 at agad na inilagay sa Alert Level 2.
Nagdulot din ng pag-agos ng lahar ang pagsabog matapos ang mga pag-ulan. EVELYN GARCIA