PAGBUHAY SA ROTC, NSTP SUPORTADO NG PNP, AFP

SUPORTADO ng Phi­lippine Army at Philippine National Police ang planong pagsusulong ni Pangulong Bong Bong Marcos ng Reserve Officer Training Course (ROTC) at National Service Training Program (NSTP).

Ayon kay Army spokesman Col. Xerxes Trinidad, sinusuportahan ng Hukbong Katihan ang national defense strategy ng kanilang Commander-in-Chief kabilang na rito ang pagbuhay sa mandatory ROTC program para sa kabataan .

Kapansin-pansin, ang programa ng ROTC ay nakaangkla sa probisyon ng Konstitusyon sa pagtatanggol ng Estado.

“Ito ay isang mahalagang bahagi ng pangmatagalang plano sa pagpapaunlad ng reserbang pwersa ng militar na nagkikintal ng disiplina, pagkamakabayan at mga pagpapahalagang makabansa sa ating kabataan, na siyang kinabukasan ng bansa,” ani Trinidad.

Ang Hukbo ng Pilipinas, bilang bahagi ng AFP ay nakakaabot sa mga kabataan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng isa pang pananaw sa pagbuo ng bansa.

Ang iminungkahing pagbabagong-buhay ng mandatory ROTC program ay magiging instrumento sa pagbuo ng isang may kakayahan, nakatuon at mahusay na sinanay na reserbang puwersa na magsisilbing base ng pagpapalawak para sa regular na puwersa sa panahon ng digmaan, rebelyon, o iba pang pambansang emerhensiya.

Matatandaang sa SONA ng Pangulo ay sinabi nito na ang pagsulong ng dalawang programa para senior high school students ay kabilang sa mga prayoridad ng Marcos administration.

Ayon naman kay PNP Director for Operations Maj. General Valeriano de Leon, sang-ayon ito sa sinabi ni Pangulong Marcos na kailangang ma-engganyo at masanay ang mga estudyante para handa silang sa anumang sakuna at sa pagtatanggol sa bayan.

Dagdag pa ni De Leon, mahalaga ang disaster preparedness dahil malimit na makaranas ang bansa ng mga bagyo at iba pang mga kalamidad.

Aniya, makakatulong din ang ROTC at NSTP para ma-develop ang leadership, disiplina at pagmamahal sa bayan ng mga estudyante.VERLIN RUIZ