PAGBUO NG LABOR UNIONS AT FEDERATIONS PADADALIIN

PASADO na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang House Bill 8186 o ang pagpapadali ng proseso para sa pagbuo ng labor unions at federations.

Layunin ng panukala na palakasin ang karapatan ng mga manggagawa sa bansa para sa pagbuo ng sariling organisasyon.

Inaamyendahan ng panukala na iniakda ni Committee on Appropriations Chairman Karlo Nograles ang Presidential Decree 442 o ang Labor Code of the Philippines.

Sa ilalim ng panukala, ibababa ang minimum membership requirement para sa pagpaparehistro ng mga independent unions sa 10% mula sa kasalukuyang 20%.

Papayagan na rin ang pagsusumite ng aplikasyon sa DOLE Regional Office o Bureau of Labor Relations (BLR) para sa pagbuo ng labor union at federation sa pamamagitan ng online.

Ang DOLE Regional Office o ang BLR ang siya namang magpopro­seso sa registration application sa loob ng tatlong araw mula sa kasaluku­yang 30 araw.

Sakali namang hindi kompleto ang aplikasyon sa loob ng 3 araw mula ng matanggap ito ng DOLE Regional Office o ng BLR, maaaring sulatan ng ahensya ang applicant o labor organization at ibalik ang aplikasyon para kompletuhin ang mga kinakailangang dokumento sa loob ng 30 araw mula ng matanggap ng aplikante ang notice.

Kung hindi naman makompleto ang mga requirement, panibagong aplikasyon ang hihingiin sa nag-a-apply na labor union o federation.

Inaamyendahan din ng panukala ang Article 237 kung saan babawasan sa lima mula sa sampu ang bilang ng mga affiliated local chapter para sa nire-require na pagbuo ng federation o union.      CONDE BATAC

Comments are closed.