PAGBUO NG MEDICAL RESERVE CORPS ISINULONG

Imee Marcos

ITINUTULAK ni Senadora Imee Marcos ang pagbuo ng medical reserve corps para sa health care workers bago pa tuluyang sumuko bunsod ng patuloy na pagtaas na bilang ng kaso ng CO­VID-19 sa Metro Manila kabilang na ang Cebu at Southern Mindanao.

Ayon kay Marcos, kumplikado ang laban ng bansa kontra sa pandemya dahil sa maaaring lumala ang bagsik ng virus at sumabay pa ang posibilidad ng epidemya ng dengue at leptospirosis sa pagpasok ng panahon ng tag-ulan.

“Huwag na tayong maghintay pa na magkaroon ng panibagong epidemya at pandemya na da­dagdag lang sa stress ng ating mga medical frontliners, may limitasyon din sila. Ang kaligtasan nila, ay kaligtasan din natin,” pahayag ni Marcos.

Hindi kampante si Marcos sa Department of Health (DOH) dahil hindi sapat ang mga datos na kanilang inilalabas partikular sa mga ospital kung naaabot ba ang maximum capacity ng mga ito at kung ang mga testing center ay may sapat na mga kuwalipikadong tauhan para makapagsagawa ng testing para sa 50,000 katao kada araw sa katapusan ng Hunyo.

“Wala tayong panahong makipaglaro ng hulaan sa tunay na kasalukuyang kapasidad ng mga ospital at testing centers. Bigo tayong maabot ang target na 30,000 katao kada araw nitong Mayo, napako na lang tayo sa 10,000 hanggang 15,000 bawat araw,” anang senadora.

Kaya isinusulong ni Marcos ang pagbuo ng medical reserve corps sa ilalim ng Senate Bill 1592 upang mas makapaghanda ang bansa sa anumang health emergency.

Kabilang sa ituturing na medical reserve corps ang mga volunteer health care provider, indibidwal man o institusyon na sasanayin ng gobyerno at maaaring ipatawag anumang oras sakaling may health emergency at bibigyan ng sapat na suweldo.

Kabilang din sa panukalang batas ni Marcos ang pagkakaroon ng database para sa mga recruit na i-uupdate kada tatlong buwan ng DOH,Professional Regulatory Commission (PRC) at ng Commission on Higher Education (CHED).

“Kailangan din ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan dahil sila ang magtatalaga ng mga qua­rantine area at maglalagay ng sapat na mga tauhan,” dagdag pa ni Marcos. VICKY CERVALES

Comments are closed.