KINALAMPAG ni Committee on Ways and Means Chairman Senator Sonny Angara ang Department of Energy (DOE) at Department of Justice (DOJ) para bumuo ng task force na mag-iimbestiga sa hindi makatwirang presyo ng produktong petrolyo sa ilang probinsya.
Ang hakbang ni Angara ay kasunod ng report na umabot na ngayon sa P71.17 kada litro ang presyo ng gasolina sa Odiongan, Romblon habang P57.46 naman ang presyo ng diesel.
May report din na ang presyo ng gasolina sa Laoag, Ilocos Norte ay nasa P62.70 kada litro at ang diesel ay P49.90 kada litro.
Ayon kay Angara, napakataas ng nabanggit na mga presyo kumpara rito sa Metro Manila kung saan ang gasolina ay P58.90 kada litro, habang ang diesel ay P48.35 per liter.
Giit ni Angara, hindi dapat palampasin ang mga nananamantala sa inflation rate na pumalo na ngayon sa 6.7% dahil taong bayan ang magdurusa.
Kasabay nito ay tiniyak ni Angara na puspusan din ang paghahanap ng solusyon ng Senado sa patuloy na tumataas na inflation rate o presyo ng mga bilihin.
Ayon kay Angara, inaapura ngayon ng Senado na maipasa ang Rice Tarrification Bill para mapababa ang presyo ng bigas at pinag-aaralan din nila kung ano ang puwedeng gawin laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo.
“The government should immediately take action if there are reports of any unreasonable hikes in prices of petroleum products,” pahayag ni Angara.
“Kung palalampasin natin ito, posibleng dumami pa ang mang-aabuso,” dagdag pa niya.
Sa ilalim ng Republic Act 8479 o ang Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998, ang DOE at ang DOJ ay dapat magbuo ng task force para mag-imbestiga sa report ng “unreasonable rise in the prices of petroleum products.”
Comments are closed.