PAGBUO SA DEPARTMENT OF WATER RESOURCES MANAGEMENT PINAMAMADALI

BILANG bahagi sa layuning maibsan ang matinding epekto ng El Niño phenomenon o malawakang tagtuyot sa bansa, umapela si AGRI Party-list Rep. Wilbert T. Lee sa kanyang mga kapwa mambabatas na agarang ipasa ang panukalang pagbuo sa Department of Water Resources Management (DWRM), na paglalaanan ng P2 bilyon bilang paunang pondo nito.

Paggigiit ni Lee, kahit hindi pa man nagkakaroon ng malalang tag-init, maraming magsasaka sa iba’t-ibang lugar ang dumaraing sa kakulangan ng sapat na irigasyon sa kani-kanilang sakahan o taniman kung kaya marapat lamang na magkaroon ng isang partikular na ahensiya na mamahala sa yamang-tubig ng bansa.

“May mga magsasaka po tayo na matagal nang nagtitiis at pinoproblema ang pagkakaroon ng maayos na irigasyon.

Ngayong tag-init, marami sa mga sakahan ang natutuyot, na malaking kabawasan sa kanilang produksyon,” sabi pa ng AGRI party-list solon.

“Sa pagsasaayos sa pangangasiwa ng tubig, mas maitataguyod ang kalusugan ng mamamayan sa pagkakaroon ng access sa malinis na inumin, makakaiwas sa malaking pinsalang maaaring idulot ng bagyo, malawakang pagbaha at tagtuyot, at mas maisusulong ang food security,” dagdag pa niya.

Ani Lee, ang paglikha sa DWRM ay katugunan din sa adhikain ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. maisaayos, mapagbuti at mapangalagaan ang suplay ng tubig, kasama na ang development ng sewerage at water sanitation system sa ilalim ng administrasyon nito.

Sa ngayon, sinabi ni Lee na mayroong magkakaibang ahensiya o sanggay ng gobyerno na responsable sa irigasyon, water management, conservation, protection, distribution at sewerage system.

Kaya upang mas mabigyan ng ibayong atensiyon at magkakaroon ng iisa na lamang na departamento na tututok sa lahat nang may kinalaman sa water resources ng bansa ay isinusulong ng naturang mambabatas ang pagkakaroon ng DWRM.

Sa ilalim ng House Bill No. 2880 na iniakda ni Lee, ang itatag na ahensiyang ito ang siyang magpapatupad ng mga patakaran at reporma sa lahat ng yamang tubig kabilang ang irigasyon, alkantarilya, at kalinisan; pagsubaybay at pagsusuri sa mga pambansang layunin na may kaugnayan sa tubig, irigasyon, sewerage, at sanitasyon; pagbuo ng isang updated na pambansang “road map” upang tugunan ang tubig, sewage, at kalinisan; at pagpapabuti ng konserbasyon ng tubig at dagdagan ang kahusayan ng sistema nito. ROMER R. BUTUYAN