PAGBURA SA ARALING PANLIPUNAN ISINUSULONG

Araling panlipunan

ISINUSULONG  ni Pasig City Congressman Roman Romulo ang pag-aalis ng Araling Panlipunan subject sa mga mag-aaral sa Kindergarten hanggang Grade 3 at palitan ito ng Good Manners and Right Conduct (GMRC)

“Gusto po natin para sa mga mag-aaral sa Kinder to Grade 3 ay bawasan ‘yung subjects. Gusto lang natin na ang ituro lang sa kanila ay good manners and right conduct, pagbabasa at mathematics din,” sabi ni Romulo.

Bilang Chairman ng House Committee on Basic Education and Culture, binigyang-diin ni Romulo na ang mga asignatura sa social sciences tulad ng Ara­ling Panlipunan ay dapat ituro lamang sa mas mataas na mga grado.

“Siguro panahon na na ‘yung Araling Panlipunan ay ibalik na po natin paakyat, kasi kung hindi pa nakakabasa nang husto ang bata (halimbawa ang mga Kinder) hindi pa nakaka-comprehend tapos tuturuan na po natin ng Araling Panlipunan. Overload na po yun,” paliwanang pa ng mambabatas.

Umaasa si Romulo na sa susunod na school year ay maituro na kaagad ang GMRC mula Kindergarten hanggang Grade 3.

“Ayusin natin ‘yung good manners and right conduct. Readings and mathematics dapat ang tinuturo natin at sigurado po ako na mas maganda iyon para sa ating mga mag-aaral,” dagdag pa ni Romulo.

Sinabi naman ni DepEd Secretary Leonor Briones na pag-aaralan nila ang proposal at baka hindi naman talaga kailangang alisin, kundi ang content lang ang aayusin.

Ngunit sang-ayon naman si Briones na palawakin pa ang pagtuturo tungkol sa kabutihang asal mula pa lamang sa mas mababang antas ng mga mag-aaral. ELMA GUIDO

Comments are closed.