MAHIGIT tatlong dekada na mula nang ratipikahan ang 1987 Constitution. Matatandaan na binuo ang Saligang Batas matapos ang pagpapalit ng liderato noong 1986 sa pamamagitan ng isang mapayapang rebolusyon. At sa loob ng mga taong ito, marami ang nagbago.
Binuksan ng iba’t ibang bansa ang kanilang ekonomiya para sa mga mamumuhunan upang masustina ang kanilang paglago. Maging ang mga bansa sa ASEAN na dati-rating mas mahirap pa sa Pilipinas ay mas progresibo na ngayon dahil sa kanilang bukas na ekonomiya. Ang katotohanang ito ay batid ng marami sa atin, lalo na sa mga mambabatas na matagal-tagal na ring nagsusulong na amyendahan ang ating Konstitusyon.
Sa tuwing magkakaroon ng usapan patungkol sa pagbabago ng Saligang Batas, nagkakaroon ng iba’t ibang reaksyon ang mga kinauukulan. Marami kasi sa mga tutol sa Constitutional change ay may agam-agam – na baka ang motibo lang umano ng mga nagtutulak na baguhin ang Konstitusyon ay pulitikal. Kumbaga, kaduda-duda ang personalidad ng mga nagtutulak nito.
Bagaman maganda naman sana ang layuning amyendahan ang mga probisyong may kinalaman sa ekonomiya, kalaunan kasi ay nababahiran na ng mga usaping pulitikal ang mga isinusulong na pag-amyenda – mga proposisyong naghahangad lamang na palawigin ang termino ng mga halal na opisyal upang mas mapatagal ang pananatili nila sa posisyon. Ang mga kaduda-dudang motibong ito ang malaking balakid sa pagkakaroon ng Constitutional change.
Kumg inyong matatandaan, Enero 15 ng kasalukuyang taon, inihain sa Senado ang Resolution of Both Houses No. 6 o ang RBH 6. Ang layunin ng resolusyon – amyendahan ang ilang economic provisions ng Saligang Batas na sumasakop sa Article XII (National Patrimony and Economy) na may kaugnayan sa foreign ownership ng ating public utilities; Article X1V (Education, Science and Technology, Arts, Culture and Sports) on the participation of foreign entities in higher education; at ang Article XVI (General Provisions) on foreign investments in advertising. Tatlo pong senador ang naghain nito sa Senado – ang ating butihing Senate President Juan Miguel Zubiri, si Senate President Pro Tempore Loren Legarda at ang inyo pong lingkod bilang mga awtor.
Tayo po ang inatasang mamuno o maging chairman ng subcommittee on constitutional amendments and revision of codes na siyang dirinig dito sa RBH No. 6. Ito ay dahil na rin sa desisyon ng ating Senate President na isang abogado ang dapat na mamuno sa pagdinig ng usaping ito.
Nagpapasalamat naman po tayo sa chairman ng ating mother committee, si Senator Robinhood Padilla na nagpaunlak sa paglikha ng subcommittee na pinagsalangan ng RBH 6. Ang lahat po ng ating gagawing pagdinig sa ilalim ng pinangungunahan nating subcommittee ay pawang may koordinasyon sa ating chairman na si Senator Padilla.
Sa unang araw po ng pagdinig ng ating subcommittee, kabilang po sa mga inimbita nating resource persons ang magagaling na abogado at mga dating chief justice na kinabibilangan nina former CJ Hilario Davide; former Supreme Court Justices Adolfo Azcuna at Vicente Mendoza; dating Comelec Chairman Christian Monsod; Dr. Gerardo Sicat; dating Finance Secretary Margarito Teves; at si Mr. Sonny Africa ng IBON Foundation.
Karamihan po sa mga nabanggit natin ay kasama bilang framers o bumuo sa 1987 Constitution na karapat-dapat lamang na konsultahin natin sa ginagawa nating pagdinig.
Sa ikalawang pagdinig sa RBH 6, masusi nating binusisi ang restrictive provision on foreign ownership o itong mga probisyon sa Konstitusyon na naglilimita sa pagmamay-ari ng mga dayuhan sa ating public utilities. At tulad sa unang pagdinig natin, kasama pa rin natin ang ilan sa mga eksperto tulad nina dating Supreme Court Justice Antonio Carpio; National Scientist Raul Fabella; ang framers ng 1987 Constitution na sina Rene Sarmiento at Bernardo Villegas; ang mga kinatawan mula sa foreign chambers of commerce; ang political scientist na si Dr. Clarita Carlos; at ang mga opisyal ng Department of Trade and Industry, National Economic and Development Authority, Department of Finance, Department of Information and Communication Technology, Securities and Exchange Commission, at ang Philippine Competition Commission.
Di tulad ng mga ordinaryo o pangkaraniwang batas, ang Konstitusyon ay “sagrado” po. Kumbaga, ito po ang ‘bibliya’ ng mga batas na hindi maaaring baguhin na lamang nang walang pag-aalinlangan. Hindi po ito madali.
Kung titingnan po natin ang karanasan ng Estados Unidos, nakapag-propose na sila ng halos 11,000 amendments sa kanilang Saligang Batas. Ito ay sa loob ng 200 taon kung saan 27 lamang sa mga amendments na iyon ang naisakatuparan. Ito po ang mga bagay na nalaman natin sa mga isinumiteng dokumento ng ating resource person na si dating Comelec Commissioner Sarmiento. Sa Pilipinas, base sa pahayag ng House of
Representatives, nakapaghain na sila ng mahigit 300 proposals sa pag-amenda ng Philippine Constitution sa loob pa lamang ng 37 taon. At ni isa sa mga ito, walang napagtagumpayan.
Sa mga susunod na linggo po, tatalakayin naman natin sa ating mga susunod na pagdinig ang mga probisyon ng edukasyon at advertising. At base sa suhestiyon ng ating mahal na Senate President, magsasagawa rin tayo ng public hearings sa mga piling lungsod ng bansa.
Ang mahalaga ngayon, maging tagumpay man ang hangaring maamyendahan ang economic provisions ng ating Saligang Batas o hindi, ang mahalaga ay napag-uusapan na rin ito sa wakas at hindi na lamang naisasantabi. At ang pinaka-importante, bukas na bukas sa publiko ang pagdinig sa panukalang ito – wala tayong itatago dahil ang layunin natin ay maipaliwanag sa mamamayan kung ano ang ating isinusulong.
Mas maganda po kasi, na kapag nagkaroon na ng malawak na pang-unawa ang ating mga kababayan sa usaping ito, sila-sila na mismo ang magdidiskusyon at mangangaral sa bawat isa kung ang pagbabago ba sa economic provisions ng ating Konstitusyon ay kailangan po o hindi na.
Ang publiko po na siyang nagluklok sa atin sa posisyon ay kailangang bigyan natin ng napakalaking papel sa lipunan kung ang pag-uusapan ay ang Saligang Batas.