Muling inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ang pagbuti ng sektor ng agrikultura at pagganda ng buhay ng mga magsasaka ang kaniyang hiling para sa kaniyang ika-67 kaarawan noong Biyernes, Setyembre 13.
Ibinahagi ito ni Marcos sa panayam ng mga mamamahayag matapos ang kanilang paglulunsad ng “Agri Puhunan at Pantawid” program sa Guimba, Nueva Ecija.
“Ang aking birthday wish, maparami ito (programa), na talagang lahat ng bawat magsasaka sa Pilipinas maramdaman itong programang ito at lahat ng programa na ginagawa natin sa Department of Agriculture,” anang Pangulo.
“Lahat ng ginagawa natin sa pagtulong ng DBP (Development Bank of the Philippines), lahat ng mga financing institution, lahat po iyong buong sistema ng agrikultura, ay, ang birthday wish ko, mabuo na natin para maganda ang takbo ng sektor ng agrikultura para gumanda ang buhay ng bawat magsasaka, ng kanilang pamilya at ng bawat Pilipino,” saad pa ng Pangulo.