INAPRUBAHAN na ng House of Representatives sa ikatlo at pinal na pagbasa ang isang panukala upang buwagin ang Presidential Commission on Good Government o PCGG. Ang nasabing komisyon ay itinatag noong panahon ni Pangulong Corazon Aquino upang umano’y marekober o mabawi ang lahat ng mga nakaw na yaman ng pamilya Marcos.
Sa botong 162-10, walang nag-abstain, inaprubahan ang House Bill No. 7376 na nagbibigay ng dagdag na kapangyarihan sa Office of the Solicitor (OSG) bilang pangunahing tagapagtanggol sa lahat ng kasong legal laban o papabor sa gobyerno. Sa nasabing panukala sa ilalim ng Section 6, nakasaad ang pagbuwag sa PCGG at ililipat ang lahat ng kapangyarihan at awtoridad nito sa OSG.
Hindi nakapagtataka na ang mga militaneng grupo at ang mga natitirang biktima umano ng batas militar noong panahon ng rehimen ni Marcos ay aangal sa nasabing batas. Subalit kung ating iisipin, 32 years na ang nakararaan at nakailang pangulo na tayo (dalawa roon ay Aquino) ngunit hanggang ngayon ay wala pang malinaw o matibay na kaso na maaaring idiin ang pamilya Marcos sa mga akusasyon ng pagnanakaw.
Dagdag pa rito ay ang pamilya Marcos ay nakabalik na rin sa poder ng politiko, marahil ito ay tanda na marami pa ang mga naniniwala sa kanila sa kabila ng pag-uusig at paninira sa kanila ng mga kampo ng dilawan mula nang makaupo sila pagkatapos ng 1986 EDSA Revolution.
Sa totoo lang, kung tayo ay magbabalik-tanaw sa mga lupain at kayamanan na ‘sequestered’ o kinuha ng gobyerno sa suspetsang ito ay ‘illegal wealth’ o nakaw na yaman ng mga Marcos, karamihan dito ay naging bangkarote at ang yaman nito ay naglahong parang bula.
Marahil ang mga kabataan ngayon ay hindi na alam ang PANTRANCO. Ito ang isa sa pinakamalaking bus company ng Pilipinas na bumibiyahe sa Luzon. Ang ibig sabihin ng PANTRANCO ay Pangasinan Transportation Company. Ang nakikita natin ngayon kung saan nakatayo ang malaking Fisher Mall sa kanto ng Quezon Boulevard at Roosevelt Avenue ay ang dating terminal ng Pantranco. Noong mga panahon na iyon, ang terminal ng PANTRANCO ang isa sa pinakamoderno sa Pilipinas. Marami silang mga permanenteng empleyado na nawalan ng trabaho bunsod ng pag-sequester ng PCGG. Nawala na ang PANTRNCO. Anyare?
Isa lamang itong ehemplo sa dinami-dami na mga sequestered na ari-arian na iniuugnay sa mga nakaw na yaman ng mga Marcos. Tulad din diyan sa malaking lupain sa Pasig City sa may Ortigas. Nakinabang na ba ang mga Pilipino diyan kung naibenta na iyan ng PCGG?
Sa totoo lang, nawala na talaga ang saysay ng PCGG. Binigyan sila ng mahigit na 30 years upang gampanan ang kanilang kapangyarihan subalit marami pa rin ang nakabimbing mga kaso na hindi pa sila nagwagi. Dalawa lamang ‘yan. Puwedeng mabagal at mahina ang mga abogado ng PCGG sa paglutas ng mga kaso laban sa mga Marcos o mahina ang kaso laban sa mga Marcos. Hindi naman talaga dapat permanente ang komisyon na iyan. Dapat noong ginawa ang PCGG, binigyan ng takdang panahon ang buhay ng PCGG upang mapuwersa sila na usigin ang nasabing mga nakaw na yaman. Hayan tuloy… ang Kongreso pa ang gumawa ng batas sa pagbuwag ng PCGG.
Comments are closed.