HINDI pa tapos ang laban ng pamahalaan kontra smugglers at hoarders.
Patuloy namang gumagawa ng mga konkretong solusyon ang gobyerno hinggil sa mga problemang kinakaharap ng sektor ng agrikultura.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., aba’y kasama raw sa mga hakbang na ito ay ang ‘Kadiwa ng Pangulo’ na layuning pagtagpuin at direktang pag-ugnayin ang mga food producer at consumer.
Maganda rin ang modernisasyon sa pagsasaka na isinusulong ng Marcos admin, kabilang na rito ang pamamahagi ng makabagong makinarya, impraestruktura, at pananaliksik.
Tutulungan din ang mga magsasaka para sa maayos na proseso ng pagtatanim, distribution, marketing, at retail upang madagdagan ang suplay at ani.
Sinabi ni PBBM na sapat naman ang suplay ng bigas sa bansa. Kailangan lang daw nang maayos na pamamahala ng produksyon at distribusyon sa merkado.
Mula sa umpisa hanggang sa kadulo-duluhan ay kailangang ayusin daw nang mabuti ang bawat aspeto nito.
Babala nga ng presidente, naku, hangga’t nagpapatuloy ang smuggling at hoarding ay hindi makokontrol ang presyuhan ng bigas sa pamilihan.
Well, tama nga naman ang chief executive dito.
Samantala, tila patuloy na winawasak ang Office of the Vice President (OVP) tungkol sa confidential funds.
Aba’y sabi ni Sen. Risa Hontiveros, gumasta raw ang OVP ng P125 milyon na confi funds sa loob lamang ng 11 araw.
Sinasabi nila na tila may madyik daw. Sa palagay ko, wala naman siguro.
Parang nagkakamali lang ang senadora sa pagsasabing waring may patagong credit card sa national budget ang OVP.
Naniniwala ako na may paliwanag ang tanggapan ni VP Sara Duterte rito. Kung may pinagdalhan man ito ng pera, tiyak na may resibong maipapakita ang tanggapan ng pangalawang pangulo.
Abangan na lang po natin!