NAKAKADALAWANG panalo na ang Basilan Steel Jumbo Plastic sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL). Muli nilang ipinatikim ang kanilang bangis noong Wednesday sa Pampanga Giant Lanterns, 83-79, sa Valenzuela Astrodome. Sinimulan ng MPBL ng triple header at patuloy na magiging araw-araw ang mga laro. Pahinga lamang tuwing Linggo dahil para ito sa family, sabi ni founder Senator Manny Pacquiao. Sa laban ng Basilan at Pampanga ay napili si Hesed Gabo, produkto ng Mapua Cardinals, bilang ‘Best Player of the Game’ makaraang kumamada siya ng 12 points, 3 rebounds at 7 assists.
Sa unang laro ay nakuha ng Pasig Sta. Lucia Realtors ang unang panalo kontra Caloocan Victory Liner Supremos, 89-87. Si Jeric Teng naman ang nakahugot ng ‘Best Player of the Game’ makaraang humataw ng 25 points, 7 rebounds at 5 assists. Bilib din kami kay Teng na hindi nadismaya sa nangyari sa career niya sa PBA. Ilang taon lang ang inilaro niya sa professional league. At least, naka-move on agad si Jeric.
Isa rin ang Valenzuela Top Market Place na nakadale ng panalo matapos ang masamang talo sa Parañaque Patriots. Tinalo ng Market Place ang Bataan Risers via overtime, 82- 86. Nagsosyo sina Paolo Hubalde at Orin Catacutan sa ‘Best Player of the Game’ award. Si Hubalde ay gumawa ng 21 points, 8 rebounds, 5 assists at 4 steals, habang si Catacutan naman ay tumipa ng 12 points at 5 rebounds. Congrats sa mga nanalo. Ipagpapatuloy ang MPBL ngayong araw na ito.
Pinangunahan ni PAGCOR Chairman and CEO Andrea Domingo, kasama sina President and COO Alfredo Lim at Directors Reynaldo Concordia at Gabriel Claudio ang turnover ng P854-M tseke kina PSC Chairman William Ramirez at Executive Director Merlita Ibay sa PAGCOR Executive Office sa Manila noong Miyerkoles. Ang nasabing halaga ay para sa infrastructure projects ng PSC para sa nalalapit na 30th SEA Games. May limang buwan na lang at aarangkada na ang biennial meet sa bansa.
Target ng PSC na pabilisin ang pagsasaayos sa ilang sports facilities gaya ng Philsports Complex Multipurpose Arena, Rizal Memorial Track and Football Stadium at Ninoy Aquino Stadium. Ang nasabing mga pasilidad ay magsisilbing headquarters ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC).
“The aid given to us by PAGCOR is priceless. The rehabilitation of the facilities for the SEA Games is an important contribution to Philippine sports as it will help improve the performance of our athletes and change the picture of local athletics. Napakalaking bagay nito para sa amin,” ani Ramirez.
Ang P854-M ay monthly remittance ng state-run gaming firm sa PSC.
Dahil sa pagkatalo ng San Miguel Beer noong Wednesday laban sa sister team Magnolia, 118 – 82, ay matagal lumabas ang coaching staff ng Beermen. Mukhang nag-heart to heart talk sina head coach Leo Austria, Ato Agustin, Boyzie Zamar, at George Gallent. But knowing naman SMB, parang sundalo ito na nagpapabugbog muna bago bumalikwas ng ganti.