KABUUANG P20.5 billion ang ni-remit ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) sa national government upang makatulong sa paglaban sa COVID-19 sa kabila ng bilyon-bilyong pisong lugi nito.
Sa isang statement, sinabi ng PAGCOR na nalulugi ito ng P5 billion hanggang P6 billion kada buwan sa pagtigil ng gaming activities dahil sa Luzon-wide enhanced community quarantine.
Ayon kay PAGCOR chairman and CEO Andrea Domingo, sa kabila ng malaking pagbagsak ng kita ng ahensiya, hindi nagdalawang-isip ang PAGCOR na tumugon sa mga pangangailangan ng mga Filipino, lalo na ang frontliners na ibinubuwis ang kanilang buhay sa labang ito.
“We still do our best to reach out to communities which do not have access to basic needs. They deserve all the help that we can give,” ani Domingo.
Noong March 9 ay nagdeklara si Presidente Rodrigo Duterte ng state of public health emergency, at noong March 16 ay isinailalim ang buong Luzon sa enhanced community quarantine upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.
Bilang pagtalima sa direktibang ito ay iniutos ng PAGCOR ang pansamantalang pagpapasara sa lahat ng land-based casinos, eGames, bingo, poker, slot machine clubs at sports betting facilities noong March 15, at pinalawig ang suspension order sa POGO at sa Service Providers nito noong March 18.
“At the outbreak of COVID-19 in the country, PAGCOR immediately did its part in banning crowd gatherings through the closure order on all gaming facilities even if it meant an adverse effect on its earnings. The entire Philippine gaming industry will suffer but the people’s safety is of para-mount importance – the employees, the customers and the public as a whole,” ani Domingo.
Ayon sa PAGCOR, agad silang nag-remit ng P12 billion cash dividends sa National Treasury at nag-turn over ng P8.5 billion sa Socio-Civic Projects Fund ng Office of the President.
Bukod dito, bumili kamakailan ang PAGCOR ng P65 million na halaga ng food items, kabilang ang bigas na binili sa National Food Authority (NFA), canned goods at iba pang basic necessities na ipamamahagi sa frontliners at sa mahihirap na komunidad.
Comments are closed.