(Pagdagsa ng mga pasahero) BIYAHERO MAGING ALERTO SA DAUNGAN – PCG

NAGPAALALA ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga manlalakbay ngayong holiday season na manatiling mapagmatyag laban sa mga indibidwal na nananamantala sa pagbuhos ng pasahero sa mga daungan.

Paalala ni PCG spokesperson Commodore Armando Ricafrente sa mga gustong umuwi sa kanilang pro­binsya na baka mayroong karanasan sa mga nananamantala na nanghihingi ng pera para matulungan sila lalo na ngayong dagsa ang mga pasahero sa mga pantalan.

Payo ni Ricafrente sa mga kababayan na huwag tangkilikin at agad ireport sa pinakamalapit ng himpilan ng Philippine Coast Guard o ng iba pang sangay ng ahensiya kagaya ng Philippine National Police.

Binigyang-diin ni Ricafrente na nananatiling prayoridad ng PCG ang pagtitiyak ng maayos at patas na proseso ng pagsakay sa mga daungan.

Hinikayat ng opisyal ang mga pasahero na sumunod sa tamang ticketing at booking procedures na ginagawa first-come, first-served basis.

Tiniyak din ni Ricafrente na patuloy silang makikipagtulungan sa iba pang ahensya upang masiguro ang kaligtasan at seguridad sa mga daungan ng bansa sa inaasahang mas mabigat na dagsa ng mga pasahero simula sa Biyernes.

EVELYN GARCIA