BATANGAS – Nagsagawa ng briefing sa kanilang mga personnel kaninang madaling araw ang Philippine Coast Guard-Batangas City para paghandaan ang mga paparating na biyahe sa Port of Batangas.
Ito ay kasunod ng pag-aalis ng Tropical Cyclone Wind Signal na inilabas ng PAGASA para sa Bagyong “AGHON” sa Lalawigan ng Batangas.
Layunin ng briefing na matiyak ang kaligtasan at kahandaan ng mga maritime operations ngayong bumuti na ang lagay ng panahon.
Dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa Batangas Port terminal, nagsagawa ang mga tauhan ng Coast Guard Substation (CGSS) ng Pre-Departure Inspections (PDI).
Ito ay upang matiyak na ang lahat ng sasakyang-dagat na ginagamit para sa transportasyon ng pasahero, kalakal, at kargamento ay sumusunod sa mga umiiral na pamantayan sa kaligtasan ng domestic vessel.
Kaugnay nito, lifted na ang gale warning o sea travel advisory na inisyu ng PCG Station sa lalawigan ng Batangas.
Balik operasyon na rin ang lahat ng paglalayag ng maliliit na crafts na may 250 GT o mas mababa pa sa naturang Lalawigan.
Gayunpaman, pinapayuhan pa rin ang lahat na mag-ingat at gumawa ng naaangkop na aksyon para sa anumang hindi inaasahang pagbabago ng panahon.
Ni Ruben D Fuentes