PAGDAGSA NG REGISTRANTS SA BRGY POLLS IIMBESTIGAHAN

HUMIHINGI  ng imbestigasyon si Senador Imee Marcos sa umano’y malawakang mapanlinlang na pagpaparehistro ng mga botante para sa 2023 barangay at Sangguniang Kabataan elections.

Sinabi ni Marcos, namumuno sa Senate electoral reforms at people’s participation panel, na naghain siya ng Senate Resolution 592, na nag-uutos sa naaangkop na panel na tingnan ang mga ulat ng pagtaas ng dami ng mga rehistradong botante sa ilang barangay.

“There is an urgent need to revisit existing election laws including, but not limited to, the Voter’s Registration Act of 1996 and the relevant portions of the Omnibus Election Code, so that necessary changes may be made in order to decisively address these long-standing issues,” ani Marcos.

Tinukoy ng senador ang matindi at hindi maipaliwanag na pagtaas ng bilang ng mga rehistradong botante at registrant mula sa Barangay Carmona, Makati City sa kabila ng walang naitalang mass migration ng mga bagong residente sa lugar o pagdami sa teritoryo ng barangay.

Sinabi niya na may 497 na mga nagparehistro ang nag-withdraw ng kani-kanilang aplikasyon matapos silang hamunin ni Barangay Carmona chairman Joselito Salvador.
LIZA SORIANO