RIZAL-INANUNSYO ng lokal na pamahalaan ng Angono na inaasahan nila ang pagdagsa ng mga turista at lokal na sasali sa Higantes Festival kasunod ng pagpapalabas ng presidential proclamation na nagdedeklara sa Nobyembre 23 bilang special non-working holiday sa nasabing bayan.
Inihayag ni Angono Mayor Jeri Mae Calderon ang balita sa kanyang social media account na ang Angono na tinutukoy bilang Art Capital of the Philippines ay nagdiriwang ng taunang Higantes Festival na umaakit sa daan-daang libong dayuhan at lokal na turista na gustong masilip ang parada ng mga higanteng paper-mâché na gawa ng mga artist nakabase sa bayan.
Para sa taong ito, sinimulan ng Higantes Festival ang isang buwang kasiyahan na kinabibilangan ng trade exhibit, art show, pageant, itik-cooking competition, battle of endurance, floating parade, water-dousing o basaan, tree-planting, at bike run sa marami at iba pa simula Oktubre hanggang Nobyembre 23, araw ng Kapistahan.
Kaugnay nito, sinimulan na rin ng lokal na pamahalaan ang pagpapatupad ng mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga turista, bisita at residente para sa pinakamakulay at masiglang pagdiriwang ng bayan.
Inatasan ni Calderon ang mga lokal na awtoridad na maghanda para sa pagdiriwang kabilang ang engrandeng parada ng mga “higante” ng bayan.
Samantala, nanawagan si Vice Mayor Gerardo Calderon sa mga pinuno ng mga tanggapan ng lokal na pamahalaan, pulisya, rescue personnel at mga tagapangasiwa ng kapayapaan sa barangay na tiyaking magiging masaya ngunit ligtas ang pagdiriwang at sumusunod sa mga health protocols na itinakda ng pambansang pamahalaan.
Ang pagdiriwang ay pasasalamat ng bayan bilang parangal sa patron nitong si Saint Clement. ELMA MORALES