“A friend to all and an enemy to none.”
Malinaw ang landas na nais tahakin ng administrasyon ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. para sa ating bansa.
Kaya malugod niyang tinanggap ang credentials ng bagong talagang ambassador ng Ecuador sa Pilipinas. Sinasabing sa isang seremonya sa Malacañang, minarkahan ni Amb. Santiago Javier Chavez Pareja ang kanyang diplomatikong misyon sa bansa.
Dito rin ay ipinabatid ni Pareja kay PBBM na magsisimula na ang kanyang ‘tour of duty’ bilang non-resident ambassador sa kanilang bansa rito sa atin.
Naniniwala si Pangulong Marcos na mas titibay ang relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Ecuador sa tulong ni Pareja.
Makasaysayan nga rin pala ang pagtungo ni PBBM kahapon sa Zambales. Aba’y sinaksihan niya kasi ang live fire exercise sa Naval Station Leovigildo Gantioqui sa bayan ng San Antonio. Nakita niya ang pagpapakawala ng high mobility artillery rocket system sa lugar. Kasama sa praktis ang pagpapalubog ng barko ng Navy.
Umarangkada ang Balikatan Exercises nitong nakaraang Abril 11 at magtatapos ng Abril 28.
Samantala, tiyak namang lalo pang lalakas ang ating turismo matapos pangunahan ni Department of Tourism (DOT) Sec. Ma. Christina Frasco ang pagpapasinaya sa kauna-unahang Philippine Travel Fair sa Estados Unidos.
Nakatutuwa raw ang pag-angat ng Pilipinas bilang top-of-mind destination ng mga Amerikano at maging sa hanay ng mga Pilipinong pinili nang manirahan sa Amerika. Well, sang-ayon din ako sa tinuran ni Frasco na magandang pagkakataon ito upang maialok ang ating bansa sa kabuuan bilang top tourism destination sa mundo.
Sa ganitong paraan din, siyempre, mas mapapabilis ang pagbangon muli ng bansa mula sa dagok ng COVID-19 pandemic.
Aba’y God bless and more power po, mga bossing!