IDINAOS ang ika-40 at ika-41 na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit at iba pang kaugnay na pagtitipon ng mga lider ng bansa sa Phnom Penhn sa Cambodia noong ika-10 hanggang ika-13 ng Nobyembre.
Ayon sa ulat ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr., naging matagumpay ang kanyang pagdalo rito.
Ibinahagi ni PBBM na nabigyan siya at ang mga kapwa niya lider ng pagkakataon na maipahayag ang kanilang mga posisyon sa mga isyu at usapin.
Nakakuha rin sila ng impormasyon at ideya ukol sa estado ng mga ito. Ang nasabing kaganapan ay naging tulay rin upang malaman ang mga isyu at kalagayan ng iba’t ibang bansa. Sa ganitong paraan, madali nilang matutukoy ang uri ng tulong na kinakailangan ng bawat bansa.
Ayon kay PBBM, ang pinakamahalagang bagay na kanyang natutunan mula sa ASEAN Summit ay ang kahalagahan ng pananatili ng pagkakaisa sa pagitan ng bawat bansa lalo na’t nasa panahon pa tayo ng pagsusumikap sa pagbangon mula sa epekto ng pandemyang COVID-19. Tila nasa tamang direksiyon ang administrasyon ni PBBM dahil mula sa panahon pa lamang ng kanyang kampanya sa pagka-Pangulo, unity o pagkakaisa na ang talagang isinusulong nito.
Hindi nagkakaiba ang suliraning kinakaharap ng mga bansa. Karamihan ay may suliranin ukol sa presyo ng produkto at serbisyo at supply, partikular na ang supply ng pagkain, presyo ng langis at ng mga fertilizer. Bunsod nito, nagkaroon ng mas malalim na pagkakaunawaan ang mga miyembro ng ASEAN dahil sa pagkakahawig ng mga hinaharap nitong hamon sa kasalukuyan. Inaasahang magiging mas madali rin ang pagtutulungan sa pagitan ng mga bansa bilang resulta nito.
Kabilang din sa mga tinalakay ang usapin ukol sa inisyatiba ng community building ng organisasyon, ang kalagayan ng Myanmar, ang giyera sa Ukraine, ang pagpasok ng Timor-Leste sa ASEA bilang bagong miyembro, at ang mga bagong balita ukol sa South China Sea – mga bagay na nakaaapekto sa ekonomiya ng rehiyon.
Nagkaroon din si PBBM ng pagkakataong makausap ang lider ng Canada na si Prime Minister Justin Trudeau ukol sa istratehiya sa pagtugon sa climate change. Patungkol sa epekto ng climate change, ginawang halimbawa ni PBBM ang pananalasa ng Typhoon Paeng kamakailan sa bansa. Ngayon lamang kasi mayroong pumasok na bagyo sa bansa kung saan buong bansa ay nakaranas ng hagupit nito.
Ibinahagi naman ni Trudeau na sila rin sa Canada ay nakaranas ng mga bagyo, mga forest fire, tagtuyot, at pagbaha bilang epekto ng climate change. Kaya naman hindi maiwasang maipahayag ni Trudeau ang kanyang sentimyento dahil, aniya, tila global warming lamang ang nabibigyan ng pansin sa kasalukuyan gayong climate change ang talagang direktang nakakaapekto sa ating lahat.
Isa pang mahalagang bagay na tinalakay nina PBBM at PM Trudeau ay ang mga paraan kung paano matutulungan at mabibigyang suporta ang micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa bansa upang maging mabilis ang paglago ng mga ito. Nagkasundo ang dalawang lider ukol sa paglalatag ng sistema kung paano mas mapapadali para sa mga Canadian na infrastructure builder ang proseso ng pagkuha ng mga proyekto sa bansa na makatutulong sa mga MSME.
Ayon sa datos na ibinahagi ni PBBM, 99.98% ng mga negosyo sa bansa ay kabilang sa mga MSME at sa kanila nagmumula ang halos 63% ng mga hanap-buhay sa bansa kaya nang mangyari ang pandemyang COVID-19, marami ang nawalan ng hanap-buhay dahil sa mga MSME na napilitang magsara pansamantala o nang tuluyan. Ito ang dahilan kung bakit malaking bahagi ng istratehiya sa pagbangon ng ekonomiya ang pagtulong sa mga ito.
Nakagagalak na malaman na naging makabuluhan ang pagdalo ni PBBM sa ASEAN Summit dahil bagaman nagiging mabilis ang pagbangon ng ating ekonomiya, kailangan pa rin natin ang suporta mula sa ibang bansa upang mas maging mabilis ang ating muling pag-unlad. Magandang hakbang din ito upang maging mas maganda at matibay ang pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa ibang bansa.