PAGDAMI NG WALANG TRABAHO ISINISI SA BAGYO

jobless

ISINISI ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa mga tumamang bagyo sa bansa ang dahilan ng bahagyang pagtaas ng unemployment rate partikular sa hanay ng agrikultura.

Paglilinaw ni Bello, maraming nawalan ng trabaho sa agricultural sector dahil sa pinsala ng mga Bagyong Ompong at Rosita.

Subalit, tiniyak ng kalihim na pansamantala  lamang ito kung ibabase sa down trend na naitala noong mga nakalipas na pag-aaral ng Philippine Statistic Authority.

Pansamantala lamang umano na nawalan ng trabaho ang mga magsasaka at kung susumahin mula sa first hanggang third quarters ng taon ay bumaba pa ang unemployment rate.

Sa isinagawang survey ng PSA, sinasabing nasa 5.1% na unemployment rate sa bansa mas mataas ito ng bahagya sa 5.0 percent na naitala noong nakalipas na taong 2017 sa kapareho ring quarter.

Dahil dito, sinasabing tumaas ng  17,000  at uma­bot na sa  2.20 milyon  ang bilang ng mga Filipinong walang trabaho habang bumaba naman ng 218,000 at nasa  41.33 milyon naman ang mga Pinoy na nagtatrabaho.

Ayon sa PSA, ang underemployment rate naman ay bumaba ng bahagya sa 13.3% para sa buwan ng Oktubre kum­para sa parehong panahon noong 2017.

Ang naturang datos ay kumakatawan sa 41.3 milyon na Filipinos na mayroong trabaho, 2.2 milyon na unemployed at 5.5 milyon na underemployed.

Ang jobless rate ay ibinase sa bilang ng mga Pinoy na walang trabaho na edad 15 pataas. Ang underemployed naman ay kumakatawan sa mga mayroon nang trabaho pero nais pang magkaroon ng dagdag na oras sa trabaho o dagdag na ha­napbuhay.

Subalit inihayag ng PSA na ang datos sa bilang ng mga walang trabaho na inilabas ng nasabing ahensiya ay malayo sa resulta ng huling survey na ginawa ng Social Weather Stations noong Setyembre kung saan lumitaw na 9.8 milyon na mga Filipino ang walang trabaho.    VERLIN RUIZ

Comments are closed.