PAGDARAGDAG NG MGA KORTE AT HUKOM IGINIIT

HINILING  ni Senador Raffy Tulfo sa Hudikatura na magdagdag ng mga korte at mga hukom para ma-decongest ang mga bilangguan at mapabilis ang paglilitis ng mga nakabinbing kaso.

Sa public hearing ng Committee of Justice and Human Rights kasama ang Public Information and Mass Media at Finance, sinabi ni Sen. Tulfo na kung madadagdagan ang mga korte ay mabibigyan na rin ng pag-asa at hustisya ang mga inosenteng inmates na nabubulok sa kulungan habang nililitis ang kaso nila dahil walang pambayad ng piyansa.

Bukod pa rito, iminungkahi niya na kailangan ng batas kung saan ang mga awtoridad na nagtanim ng ebidensya para makulong ang inosenteng akusado ay mapaparusahan ng kasing-bigat ng ikinaso nila.

“Countless of innocent inmates are languishing in city jails, ginamit na fall guy at napagtripan dahil mahirap at walang pampiyansa. Overwhelmed din sa kaso ang mga korte kaya kapag nadesisyunan, ilang taon na ang lumipas at ilang taon na ring nagdusa ang biktima. This is anti-poor! Justice delayed is justice denied!” ani Tulfo.

“I am proposing a bill na ‘yung mga awtoridad na nagtanim ng ebidensya at sinadyang makulong ang inosenteng akusado ay maparusahan nang kasing-bigat ng kinaso nila sa kanilang biktima. Dapat ay mabigyan din ang inosenteng biktima ng compensation mula sa gobyerno para sa ilang taong pagdurusa nila sa kulungan!” dagdag niya.

Sa public hearing of the Committee of Justice and Human Rights joint with Public Information and Mass Media; and Finance nitong Martes ay binanggit muli ni Tulfo ang mga problema sa kakulangan ng korte at hukom sa bansa.

Sa nasabing pagdinig, kinumpirma ni Court Administrator Raul Villanueva na mayroong 1,100 court houses at halls of justice sa bansa, ngunit 400 lamang dito ang pag-aari ng Supreme Court (SC). Ang iba ay pag-aari na ng Local Government Units (LGUs).

Ani Tulfo, hindi siya sang-ayon na ang mga korte ay pag-aari ng LGUs na sila ring bumibili ng mga appliances para rito. LIZA SORIANO