PAGDARAOS NG MISA ITINIGIL

misa

PANSAMANTALA munang ititigil ng Archdiocese of Manila ang pagdaraos ng mga misa at mga pampublikong aktibidad sa mga simbahang sakop nila.

Ito’y bilang pakikiisa sa pagsusumikap ng pamahalaan na masugpo ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) na kumakalat ngayon sa bansa.

Sa inisyung pastoral letter ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, na may titulong “A call of charity for the common good,” sinabi niya na pansamantalang kanselado ang mga Holy mass at public activities sa mga simbahan bilang pag-iingat lalo’t itinaas na ng pamahalaan sa Code Red sublevel-2 ang alert level para sa COVID-19.

Magsisimula umano itong ipatupad ngayong araw, Marso 14 hanggang sa Marso 20.

Ayon kay Pabillo, batid niya na maaaring makaapekto ito sa mga mananampa­lataya at mga pari, ngunit umapela na gawin na lamang ito bilang bahagi ng “spirit of sacrifice” para na rin sa kapakanan ng nakararami.

Tiniyak rin niya na naka-monitor ang Archdiocese of Manila sa sitwasyon, nang may koordinasyon sa Department of Health (DOH) at iba pang ahensiya ng pamahalaan.

Samantala, pinayuhan rin ni Pabillo ang publiko na maging updated sa pamamagitan ng opisyal na website ng Archdiocese of Manila at higit sa lahat, iwasan ang “fake news” na higit lamang aniyang nagdudulot ng takot at panik sa mga mamamayan. ANA ROSARIO HERNANDEZ

5 NA PATAY SA COVID-19

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na umakyat na sa lima ang naitala nilang bilang ng mga nasawi dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Ayon sa DOH, nadagdagan pa ng tatlo ang talaan ng mga namatay, base sa kanilang monitoring sa mga pasyente.

Kabilang sa mga namatay ang Patient #6 o PH6, gayundin ang kanyang asawang si PH5 at si PH37.

“The Department of Health reports three new deaths today among the confirmed cases of the COVID-19 in the country (PH6, PH5, PH37),” anunsiyo ng DOH.

Sa ulat, nabatid na unang na-admit sa Cardinal Santos Medical Center si PH6 noong Marso 5 at nailipat sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

Nang makaranas ng hirap sa paghinga ay kinailangan siyang lagyan ng tubo sa kaniyang baga noong gabi ng Marso 11 ngunit binawian din ng buhay.

“She expired the same night from acute respiratory distress syndrome to severe pneumonia secondary to COVID-19.  Repeat chest X-ray showed progressive pneumonia,” anang DOH.

Si PH6 ay isa umanong diabetic.

Samantala, si PH5 naman ay mister ni PH6, na mas unang dinapuan ng sakit.

Binawian siya ng buhay nitong Marso 12 dahil din sa acute pneumonia.  May sakit din na diabetes ang pasyente bukod pa sa pagiging hypertensive at nakapagdebelop ng sakit sa Kidney.

Samantala, si PH37 ay na-admit naman sa Philipine Heart Center nitong Marso 6 makaraang magkaroon ng sintomas noong Pebrero 28.

May ‘hypertension’ din ang pasyente ay nalagutan ng buhay nitong hapon ng Marso 12 dahil sa ‘acute respiratory failure’.

Una nang binawian ng buhay ang isang 44-anyos na Chinese national sa Filipinas dahil sa severe pneumonia.

Nito namang Miyerkoles, binawian rin ng buhay si PH35 na isang 67-anyos na babae, na itinuturing na unang Pinoy na namatay dahil sa CO­VID-19. ANA ROSARIO HERNANDEZ

FACILITIES NG SINUSURING SUSPECTED COVID-19, PINATITIYAK NA LIGTAS

NAGPAHAYAG ng pagkabahala ang Filipino Nurses United (FNU) kaugnay sa mga pasilidad na ginawang holding area kung saan maaaring gamutin ang mga indibiduwal na hinihinalang nagtataglay ng COVID-19.

Sa ginanap na weekly Report to the Nation media forum ng National Press Club, sinabi ni Jocelyn Andamo, secretary general ng FNU na hindi ligtas ang mga pasilidad para sa COVID patients kung saan nakalantad sa publiko.

Kailangan aniya na kahit temporary holding area ay malayo sa publiko upang maiwasan ang pagkalat ng virus.

Ayon pa kay Andamo, kailangan din na ang lahat ng sangkot sa pagsusuri sa mga dinadalang suspected cases ng COVID-19 patient ay balot ng protective personal equipment (PPE) at kung hindi man ay dapat gumagamit ng N95 mask.

Ginawa ni Andamo ang pahayag matapos makita na ilang pasilidad para sa mga COVID-19 patients ay lantad sa publiko. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.