INAPRUBAHAN ng Commission on Elections na tumatayong National Board of Canvassers ang pagdaraos ng special elections kasunod ng pagdedeklara ng failure of elections sa 14 na mga barangay sa munisipalidad ng Tubaran, Binidayan, at Butig sa Lanao del Sur.
Sa tatlong pahinang resolusyon ng Comelec, ipinunto nito na kinailangang ideklara ang failure of elections dahil maaaring maapektuhan pa ang resulta ng lokal na botohan sa bilang ng mga rehistradong botante na kailangang makaboto.
Kabilang sa mga dahilan ng pagdedeklara ng failure of elections ay ang ballot snatching at nabigo ang AFP na mabawi ito gayundin ang pananaksak sa isang pulis na nagpoprotekta sa vote counting machines sa bayan ng Butig.
Ang karahasan sa bayan ng Binidayan na nagresulta ng pagkasira ng VCM at official ballots at ang karahasan, pagbabanta at intimidation sa bayan ng Tubaran ay nagresulta rin ng failure of elections.
Itinakda sa Mayo 15 o sa petsang nakadepende sa Comelec en banc ang idaraos na special elections sa Barangay Ragayan, Butig at Barangay Pindolonan, sa bayan ng Binidayan gayundin sa ilang barangay sa Tubaran.
Inaatasan ang mga tauhan ng Philippine National Police na umupong Special Board of Election Inspectors partikular na ang galing sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao. JEFF GALLOS