PAGDATING SA PAGKAIN, MAINAM ANG “SLOW”

KUMPARA sa fast food, mas mabuti ang slow food.

May mga putahe at pagkain na maaaring natatandaan natin mula sa ating kabataan na hindi na natin nakikita ngayon. O kaya naman ay nariyan pa rin sila pero mahirap nang matagpuan.

Halimbawa, isang dessert na gawa sa sampalok na laging inihahanda ng ating lola, o kaya naman ay minatamis na noon ay madalas mabili sa palengke pero ngayon ay wala na.

Kung minsan naman, may nadidiskubre tayong kakaibang sangkap sa isang putaheng nakain natin sa isang restaurant. Isang sangkap na ‘di pamilyar sa atin, halimbawa na ay kayumanis okatuk.

“Ano iyon?” tanong natin sa ating kasamang kumain. Tapos: “Ang sarap nito, saan kaya nakakabili nito?” Minsan naman ay buong putahe, imbes na sangkap lamang. Isang pagkain na malamang ay iniluto gamit ang isang heirloom na recipe. Napakasarap nga pero hindi matatagpuan sa ibang lugar.

Ito ay ilan lamang sa mga konseptong kaugnay ng tinatawag na slow food movement. Ngunit maliit na bahagi lamang ito. Ang slow food ay may kinalaman din sa pinagmulan o pinagkunan (lugar, bukid, magsasaka) ng produkto o pagkain, at sa pagiging pamilyar sa nagluto at sa prosesong ginamit sa preparasyon nito.

Nauugnay rin ito sa pagkain o paggamit ng mga sangkap at ani na organiko o mataas ang kalidad, malinis, at may tamang presyo. Tungkol din ito sa kamalayan habang kumakain—namnamin ang lasa ng bawat subo. Sakop din ng slow food movement ang pangangalaga sa tradisyon, pamana, at ecosystem ng isang lugar, at ang pagbabahagi ng kaalaman at yaman sa mga kasapi ng komunidad.
(Itutuloy)