(Pagpapatuloy)
KUNG tutuusin, wari’y masyadong malawak ang saklaw ng slow food movement—mula produksyon at paghahanap o pagkuha ng pagkain o sangkap hanggang sa pagluluto at paggamit ng mga ito.
Siguro ito rin ang dahilan kung bakit minsan ay rebolusyon ang salitang ikinakabit dito.
Nagpapakita ito ng lalim at lawak ng mga konseptong nakapalibot dito.
Noong dekada 80 nang balakin ng McDonald’s na magtayo ng malaking branch o outlet sa Italya, malapit sa isang historical site, may mga chef at food activist na tumutol sa ideyang ito. Kahit natuloy ang pagtatayo ng restaurant sa lugar, naging simula ito ng slow food movement sa mundo.
Sa ngayon ay matatagpuan na ito sa higit 150 na mga bansa, kasama ang Pilipinas.
May iba’t ibang komunidad ng slow food dito sa atin—mga magsasaka at food producers, chefs, may-ari ng mga kainan, foodies, at iba pang mga personalidad sa iba’t ibang industriya ng pagkain at pagluluto dito sa Pilipinas.
Alam naman nating lahat nang biniyayaan ang Pilipinas ng samu’t saring yamang pangkalikasan, lalo na’t kung agrikultura, pagkain, at tradisyon sa pagluluto ang pag-uusapan.
Mayroon tayong mga masisipag na magsasaka, mga eksperto sa kusina, at mahuhusay na negosyanteng nagpapatakbo ng mga cafe at restaurant. Nagkakaisa sila sa isang adhikain—ang protektahan o ingatan ang sarili nating mga tradisyon sa kusina o pagluluto, pangalagaan ang ating likas na yaman at kalikasan, at siguruhing ang pamana ng ating lahi ay di malilimutan, bagkus ay maipapasa sa mga susunod na henerasyon upang kanila itong mas lalong mapagyaman.