IKINASA na ng Commission on Elections (Comelec) sa susunod na buwan ang pagsisimula ng pagde-deploy ng mga suplay at vote counting machines na gagamitin para sa eleksiyon 2022.
Ang F2 Logistics ang mamamahala sa paghahatid ng election supplies.
Ayon sa Comelec, mula Abril 2 hanggang 19 ang deployment ng Vote Counting Machines (VCMs), Consolidation and Canvassing System (CCS) laptops, at Broadband Global Area Network (BGAN) units.
Ang pagdispatsa naman ng official ballots ay magsisimula ng Abril 20 hanggang Mayo 5.
Nauna na ring nai-deploy ng Comelec ang VCM external batteries na nagsimula nuong Disyembre 15 ng nakaraang taon hanggang sa darating na Marso 31.
Inaasahan ng Comelec na matatapos ang distribusyon ng ballot boxes sa Marso 31 matapos na pasimulan noong Pebrero 1.
Ang distribusyon naman ng Non-Accountable Forms and Supplies o NAFS na nasimulan noong Pebrero 16 ay matatapos hanggang Mayo 1.Jeff Gallos