PAGDINIG SA IBINUNYAG NA MGA KAKULANGAN NG SENIOR’S CITIZEN COMMISSION IKAKASA NGAYON

ISASAGAWA ngayong araw sa Kamara ang pagdinig sa mga pagbubunyag ni Senior Citizens Partylist Representative Rodolfo ‘Ompong’ Ordanes sa umano’y mabagal na pagkilos ng National Commission of Senior Citizens (NCSC).

Magugunita na noong nakaraang buwan, sa kanyang privilege speech, ibinahagi ni Ordanes ang sa kanyang mga palagay ay pagkukulang at mabagal na pag-aksyon ng NCSC, na pinamumunuan ni Chairman Franklin Quijano.

“Dalawang taon na ang nakakalipas nang mabuo ang NCSC ngunit wala pa rin nangyayari sa dapat na paglilipat ng mga responsibilidad sa NCSC mula sa Department of Social Welfare and Development,” diin ng namumuno sa House Special Committee on Senior Citizens.

Pagdidiin ni Ordanes binabaha ang kanyang opisina ng mga sumbong at reklamo mula sa mga senior citizens, kanilang mga organisasyon, maging sa mga mula sa NCSC.

“May mga sumbong at reklamo ng conflict of interest, grave abuse of discretion amounting to lack or excess of jurisdiction, and negligence in the performance of duty,” ayon sa mambabatas patukoy kay Quijano.

Dagdag pa ni Ordanes, labis niyang ikinalulungkot ang mga nangyayari sa komisyon dahil ang kanilang partylist ang nagsulong ng panukala para matatag ang komisyon sa ilalim ng nagdaang administrasyong-Duterte.

Sa kanyang talumpati, hiniling na rin ni Ordanes kay Quijano na magbitiw na lamang sa posisyon at ipaubaya sa may tunay na kakayahan at malasakit sa nakakatandang populasyon ng bansa.

Ang pagdinig ay itinakda alas-10 ngayon umaga at ito ay isasagawa ng House Committee on Public Accounts at Committee on Senior Citizens.