MATAPOS maaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang siyam na Chinese National sa Pasay city na bumaba sa kanilang dredging vessel noong nakaraang linggo pinaaapura na ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo sa Kongreso ang pagdinig hinggil sa mga reclamation projects sa Manila Bay.
Matatandaang naghain si Tulfo ng isang resolusyon noong nakaraang taon na imbestigahan ang Manila Bay reclamation dahil sa banta sa national security matapos mapag-alaman na lahat ng gumagawa sa reclamation ng Manila Bay ay pawang mga Chinese national at bumababa sa barko at gumagala sa Metro Manila.
“Ito yung sinasabi ko noon na bumababa ng barko nila ang mga manggagawa na Chinese at umiikot dito sa Metro Manila,” ani Tulfo.
Tanong pa ng House Deputy Majority Leader: “Ang tanong ngayon, ano ang pakay nila para gumala sila sa Maynila gayung wala silang mga visa?”
Aniya, “ang US Embassy ang unang nabahala sa Manila Bay reclamation dahil may napuna ito hinggil sa isang Chinese company na kabilang sa reclamation project”.
Inilahad ni Tulfo na ang China-owned China Communications Construction Co. (CCCC)) ang namamahala sa mga dredging at reclamation operations, dahil ito rin umano ang kompanyang responsable sa pagtatayo ng mga air at naval bases sa mga teritoryong inaangkin ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay BI Intelligence Division (ID) chief Fortunato ‘Jun’ Manahan, Jr., nagsagawa sila ng surveillance at intelligence gathering matapos makatanggap ng ulat na ang Chinese nationals ay bumababa at sumasakay sa mga sasakyang pandagat sa kahabaan ng Manila Bay.
Ang mga inaresto, na may edad 33 hanggang 54, ay kinilalang sina Li Weilin, Liu Peng, Wang Yong, Huang Haibing, Gong Yuan Ju, Zhang Tao, Dai Guang Yuan, Li Jiang Yu, at Kang Tian De, ayon kay Manahan.
Noong Agosto 2023, sina Tulfo kasama ang kanyang mga kasamahan mula sa ACT-CIS partylist, na sina Reps. Edvic Yap at Jocelyn Tulfo, ay nag-file ng House Resolution No. 1171, na humihiling sa House Committees on National Defense and Security, at Ecology, na suriin ang mga reclamation projects sa paligid ng Manila Bay.
“Kailangan na talaga nating tutukan itong seguridad ng ating bansa dahil nagkalat na ang mga yan sa ating bansa”, dagdag pa ni Tulfo.
JUNEX DORONIO