TULOY na ang pagdinig ng Makati City Regional Trial Court (RTC) Branch 150 sa kasong rebelyon laban kay Sen. Antonio Trillanes IV.
Ito’y makaraang ibasura ng Court of Appeals (CA) ang apela ng senador na humihiling na itigil ang pagdinig sa kanyang rebellion case na nag-ugat sa Manila Peninsula siege.
Nakasaad sa apat na pahinang resolusyon ng CA 9th Division na isinulat ni Justice Apolinario Bruselas Jr., ibinasura ang hirit ni Trillanes na temporary restraining order (TRO) at writ of preliminary injunction.
Ang desisyon ni Bruselas ay sinang-ayunan din nina Justices Myra Garcia-Fernandez na senior member at Geraldine Macaraig bilang junior member.
“We may not temporarily restrain or preliminarily enjoin the prosecution of the criminal action for rebellion at this stage because to do so would be to grant the principal prayer for certiorari without the benefit of hearing,” anang desisyon ng appellate court.
Binigyan din ng CA ang Department of Justice (DOJ) ng 10-araw upang magkomento sa resolusyon, habang limang araw naman ang ibinigay nito kay Trillanes para magsumite ng kanyang reply sa komento.
Natukoy naman mula sa Makati RTC Branch 150 na kahapon sana ang pagdinig sa kaso ni Trillanes ngunit hindi natuloy at sa halip ay ipinagpaliban na lamang sa Marso 27.
Matatandaang una nang ipinawalang-bisa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng Proclamation No. 572 ang amnestiya ni Trillanes na ipinagkaloob ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.