PAGDIRIWANG NG CNY SA GITNA NG PANDEMYA

MAMAYANG  hatinggabi, ang mga kaibigan nating Tsino at Tsinoy ay magdiriwang ng Chinese New Year. Ang papasok na taon ay ang Year of the Water Tiger. Panahon na naman ng mga lion at dragon dance, pamimigay ng hong bao o lucky money, at ng pagbabahagi at pagkain ng paborito nating tikoy na sumisimbolo sa pag-unlad at biyaya.

Maraming pamilya ang nakapaglinis na ng kanilang mga tahanan upang alisin ang dumi at negatibong enerhiya mula sa kanilang mga espasyo. Ginagawa rin ito upang malayang makapasok ang biyaya at swerte sa bahay at buhay ng mga nakatira rito.

Kagaya ng pagdiriwang ng mga Pilipino sa Pasko, mahaba rin ang pagdiriwang ng mga Tsino sa Chinese New Year—nasa dalawang linggo ang mga selebrasyon. Ang public holiday sa ibang lugar ay umaabot ng isang buong linggo, ngunit ang mga selebrasyon ay maaaring higit pa rito. Para sa mga nagdiriwang ng Chinese New Year, ito ay panahon upang magpahinga at makasama ang mga mahal sa buhay.

Dumarating ang Year of the Water Tiger tuwing 60 taon lamang. Sa Chinese zodiac, nauugnay sa Tiger o Tigre ang lakas, kumpiyansa, at tapang. May mga eksperto sa feng shui at astrology ang naniniwalang magiging suwerte umano ang taong 2022 dahil ang Tiger mismo ay isang lucky sign.

Ayon sa tradisyon, ang Chinese New Year ay ipinagdiriwang upang magpugay at manalangin sa mga diyos (deities) at ninuno. Sa kasalukuyan, okasyon na rin ito upang magsalu-salo ang magkakamag-anak sa isang magarbong reunion dinner sa bisperas ng bagong taon. Pinagsasaluhan ang mga pagkaing nagdadala ng suwerte, kagaya ng long-life noodles, spring rolls, rice dumplings, walnut cookies, at iba pa.
(Itutuloy…)