(Pagpapatuloy…)
Patuloy pa rin ang pagdiriwang ng Lunar New Year para sa maraming Tsino at Tsinoy. Kaugalian na ang pagde-decorate ng bahay bago sumapit ang New Year’s day mismo, sa taong ito ay naganap kahapon, unang araw ng Pebrero. Nagsasabit kadalasan ng mga bagay na makakapag-taboy ng malas at magpapa-pasok ng suwerte. Sa araw mismo ng pagdiriwang, New Year’s day, tradisyon na rin ang pagsusuot ng mga bagong damit at pagpapadala ng pagbati sa mga kamag-anak at kaibigan.
Nakaugalian na ang pamimigay ng ang pao o hong bao (red envelope), ngunit dahil sa pandemya, nag-iingat ang ilan na pumunta sa mga bangko o makipagkita nang personal sa ibang tao kaya’t nauuso ang tinatawag na digital hong bao sa ibang mga bansa sa Asya. Dito sa Pilipinas, may katulad na serbisyo ang coins.ph upang makapagpadala ng ang pao sa mga kaibigan at kamag-anak sa pamamagitan ng app lamang.
Sa Maynila, kung saan naroon ang Chinatown sa Binondo, kinansel ni Mayor Isko Moreno sa pangalawang magkasunod na taon ang lahat ng pampublikong aktibidad na kaugnay ng Chinese New Year. Dahil sa pandemya, hinikayat niyang magdiwang na lamang ang magkakapamilya sa kanilang mga tahanan. Bukas pa rin naman ang Chinatown para sa publiko ngunit wala munang mga dragon at lion dance at fireworks ngayong taon.
Dahil hindi pa tapos ang pandemya, marami ang nagsasabing magiging mahirap na taon pa rin ang 2022. Umaasa akong magdadala ng lakas at tapang ang Water Tiger upang malagpasan natin ang mga pagsubok sa hinaharap. Sa aking mga mambabasa, Gong Xi Fa Cai! Isang masaya at ligtas na pagdiriwang sa inyo, at nawa’y mapuno ng biyaya ang taong darating para sa inyo at inyong pamilya.