HALOS matatapos at kompleto na ang mga dokumento at ebidensiyang laban sa anim na suspek na upper classmen ng Philippine Military Academy (PMA) kaugnay sa pagkamatay ni Cadet 4CL Darwin Dormitorio.
Sa paglalarawan ng Philippine National Police (PNP) probe team sa pangunguna ng Baguio-PNP na nag-iimbestiga sa pagkamatay ng plebo, sinabi nito na maituturing umanong impiyerno ang huling 24 oras ng buhay ni Dormitorio.
Ayon kay Baguio City Police Office Chief Col. Allen Rae Co, ito ay base sa mga pinagtagpi-tagping pahayag ng nasa 16 na testigo na nakausap ng PNP.
Inihayag ni Co, lumalabas na sinadya talaga o planado ang nasabing maltreatment kay Dormitorio batay na rin sa salaysay ng mga nakasaksi.
Gayunpaman, ang ipinagtataka pa ni Co ay kung bakit UTI (urinary tract infection) ang lumabas na findings ng doktor na tumingin kay Dormitorio gayong may nararanasan na pala itong pagdurugo sa loob ng katawan bunsod ng mga dinanas nitong pambubugbog at pangunguryente.
Sa kasalukuyan, nasa 90% na ang PNP sa pagkompleto ng mga kaukulang dokumento para sampahan na ng kasong paglabag sa Anti-Hazing Law at murder ang anim na kadeteng suspek na tinukoy na direktang nagmaltrato kay Dormitorio.
Bukod sa anim na suspek, sasampahan din ng kaso ang dalawang medical officer ng PMA hospital na tumingin kay Dormitorio.
Comments are closed.