PAGDUKOT AT PAGPATAY SA MGA KABATAAN PINAIIMBESTIGAHAN

NAALARMA  na ang Senado sa serye ng pagkawala ng mga kababaihan at kabataan.

Dahil dito, nais ni Senador Imee Marcos na imbestigahan ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) ang serye ng pagkawala ng ilang indibidwal, lalo na ang mga kababaihan at kabataan nitong mga nakaraang linggo.

“Hinihiling ko sa PNP at NBI na agarang imbestigahan at patawan ng parusa ang sinumang salarin sa pagkawala ng mga indibidwal, lalo na ang mga kabataang babae na ginahasa na brutal pang pinatay. Dapat wala silang sasantuhin,” ani Marcos.

Ito ang pahayag ni Marcos matapos na 15 taong gulang na babae ang natagpuang patay sa Bustos, Bulacan at napag-alaman na ginahasa pa.

Ang pinakahuling kaso ng panggagahasa at pagpatay ay sa biktimang si Lovelyann Villagomez, 20 taong gulang sa lungsod ng Malabon nitong Lunes ng gabi.

Sinabi rin ni Marcos na dapat kumilos ang pulisya at iba pang law enforcement agencies para matigil ang sunod-sunod na pagdukot at pagpatay sa ilang lugar.

Nababahala ang mga magulang sa nasabing mga insidente lalo na’t 28 milyong mag-aaral sa buong bansa ang balik-eskwela.

“Dahil sa pangamba ng mga magulang, dapat mapigilan ng mga awtoridad ang serye ng pagdukot at pagpatay, lalo na ngayong nagbalik eskwela na ang mga anak nila,” ani Marcos. LIZA SORIANO