PAGGAMIT NG AKAP PROGRAM NG DSWD SA PI, KINUWESTIYON NG MGA SENADOR

KINUWESTIYON ng mga senador ang presensiya at paggamit ng government assistance program na mas kilala sa tawag na Ayuda sa Kapos sa Kita Program (AKAP) para akitin ang mga botante na suportahan ang people’s initiative sa pag-amiyenda ng 1987 Constitution.

Sa pagdinig ng Senado sa umano’y suhulan sa people’s signature drive, ipinagtataka ni Senadora Imee Marcos, chair ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, kung bakit napakalaki ng budget allocation para sa AKAP.

“Gusto ko lang humirit. Nagulat din ako sa AKAP at mas lalo akong nagulat sa halaga, P26.7 billion.

Isang programang ngayon ko lang natuklasan at ngayon lang narinig pero may bilin sa text, all soft projects including AKAP must go through the Office of the Speaker,” sabi ni Marcos.

Nauna nang ibinunyag ni Marcos na P20 milyon ang inaalok sa bawat congressional district na makakakapagbigay ng malaking bilang ng lagda para sa people’s initiative.

Anang senadora, ang pera ay kukunin sa assistance programs sa ilalim ng DSWD,
Department of Health at Department of Labor and Employment.

Ang AKAP ay isang social program ng pamahalaan na nagbibigay ng one-time P5,000 financial assistance sa mga mahihirap na manggagawa na may buwanang suweldo na P23,000 pababa.
Maging si Senador Joseph Victor Ejercito ay kinuwestiyon si DSWD Undersecretary Fatima Aliah Dimaporo tungkol sa layunin at implementasyon ng naturang program.

“Ako rin medyo naging curious doon sa AKAP na ngayon ko lang narinig, ‘no. Siguro, can I ask the DSWD what is this program about? Is it just between the House and the [DSWD] kasi wala ho kami sa Senate na alam niyan. So is it with DSWD and House of Representatives, ‘yung program na ‘yon?” tanong ni Ejercito.

Inamin naman ni Dimaporo na hindi sila pamilyar sa AKAP at kulang ng matatag na alituntunin bukod sa hindi ito isang regular na programa.