PAGGAMIT NG APAT NA PAMAMARAAN NG DIGITAL MARKETING SA NEGOSYONG FRANCHISE

KUMUSTA, mga ka-negosyo? Sa nakalipas na ilang taon, ang industriya ng prangkisa sa Pilipinas ay nakakita ng makabuluhang paglago.

Habang patuloy na lumalaki ang franchising, lumalaki rin ang kompetisyon sa mga franchise chain, mapa-lokal man o nasyonal.

Kaya paano mo mapalalabas sa madla – nang mura o halos walang gastos – ang mga mensahe ukol sa iyong franchise business? Ang sagot ay digital marketing.

Matutulungan ka ng digital marketing na makagawa ng malikhaing promosyon ang iyong franchise online para maabot ang mas maraming kostumer at siyempre, makakuha ng mas maraming kita.

Ang digital marketing para sa mga franchise na negosyo ay ‘di na bago, ngunit patuloy na nagbabago ang mga taktika at istratehiyang nakapaloob dito. Hinahayaan ka ng digital marketing na maabot ang mga kostumer o kliyente na palaging online para sa iyong mga produkto at serbisyo. Pinalalakas nito ang panandalian at pangmatagalang trapiko at mga resulta na ninanais mo sa iyong negosyo.

Mahirap ang pag-market ng isang negosyong franchise sa ilang merkado man o lugar. Walang mahusay na mga pamamaraan sa marketing na partikular lamang sa negosyong franchise dahil na rin sa iba-iba ang lokal na ginagalawan ng bawat prangkisa.Kaya sa ating paksa ngayon, tatalakayin natin ang paggamit ng digital marketing upang matulungang mapalago ang negosyong franchise mo. Para rin mas naka-pokus ang ating paksa, tututukan lamang muna natin ang mga negosyong gumagawa ng sariling prangkisa (franchisor) at ‘di ‘yung franchisee.

O siya, tara na at matuto!

#1 Social Media Marketing
Ang pagmemerkado sa social media ang isa sa pinakamabilis at pinakakilalang ginagamit ng mga digital marketer sa anumang negosyo, lalo na sa negosyong pang-franchising.

Siguro naman, isa sa unang ginagawa ng mga may-ari ng prangkisa ay ang paggawa ng Facebook page, ‘di ba? Isang malaking hakbang na agad ito.

Ang mga gawi at panlasa ng kostumer ay nag-iiba ayon sa lugar. Ang isa sa mga pinakamahusay na paraan upang matiyak ang pinakamahusay na karanasan ng kliyente sa iyong franchise network ay ang paghingi ng feedback ng kostumer.

Matutulungan ka ng social media na malaman kung ano ang iniisip ng mga kostumer tungkol sa iyong mga franchise outlet at sagutin ang mga partikular na reklamo at tanong sa mas malawak na audience. Napakahalaga kasi ng social media para sa damdamin ng kostumer na ginagamit ito ng 61% ng mga organisasyon.

Sa pamamagitan din ng social media marketing, mas makalilikha ka ng isang reputasyon para sa pagiging bukas at mahusay na serbisyo sa kostumer.

Higit pa sa pakikinig sa mga kostumer at pagtugon sa mga komento ng brand, gamitin ang social media sa pag-market ang iyong brand mula sa mga post at advertising.

Nagbibigay-daan sa iyo ang advertising sa social media para sa mga franchisee na i-target ang mga customer ayon sa lugar at baguhin ang iyong pitch. Malaking bagay ito kasi ang boosting ng ads sa Facebook, halimbawa, ay kayang maitutok sa partikular na lugar lamang.

#2 Content Marketing
Kasama sa content marketing ang pagsulat at pagbabahagi ng mga saloobin at lathala sa blog, video, at pag-post sa social media na gusto ng iyong merkado. Medyo malawak kasi ang content marketing dahil sakop nito ang bawat nilalaman ng iyong mga ginagamit na platapormang digital.

Ang klase ng marketing na ito ay tila ‘di gaanong nakagagambala sa mga mambabasa man o manonood kaysa sa naka-sponsor na advertising. Gumawa ng isang bagay na kaakit-akit at may katuturan upang ang iyong madla ay lumapit sa iyo sa halip na pumunta ka sa kanila.

Ang simpleng gawain ng content marketing ay ang edukasyon ukol sa brand, upang makabuo ng mga loyal na kostumer.

Ang mabisang pagmemerkado gamit ang iba’t ibang content ay nangangailangan ng mga kamangha-manghang tema na gustong matutunan ng iyong mga target na kostumer. Ang regular na pag-publish ng mataas na kalidad ng mga content ay mahalaga upang mapanatili ang interes ng mga target na kostumer.

Mga tip sa content marketing para sa mga franchise na negosyo (mula sa WebFX.com):
• Magsimula sa pananaliksik sa keywords na popular sa brand at mga lokal
• I-personalize ang iyong content (gumamit ng diyalekto kung kailangan)
• Panatilihin ang isang madalas na iskedyul ng pag-upload ng content
• Gumamit ng visual na content para ipakita ang iyong negosyo at brand
• I-promote ang iyong content sa social media (tawag dito ay amplification)

#3 Lokal na SEO
Karugtong ng content marketing ang SEO – search engine optimization. Sa mga negosyong franchise, ang paggamit ng lokal na SEO ay mas mahalaga kaysa pangkalahatang SEO. Ito ay ang paggamit ng mga keywords na tatarget sa panlasa ng bawat lugar o lokal kung saan naroon ang iyong mga franchisee.

Lalo na sa Pilipinas kung saan iba-iba ang mga karakter ng bawat probinsya at may iba’t ibang diyalekto, mas mainam na gumamit ng lokal na SEO.

Pinalalakas ng lokal na SEO ang presensiya ng iyong brand sa mga resulta ng paghahanap sa Google na batay sa lokasyon. Dahil 21% ng mga kostumer sa internet ay gumagamit ng mga search engine gaya ng Google, Bing, at Yahoo upang makilala ang mga lokal na negosyo araw-araw, huwag palampasin ang oportunidad na ito.

Ang pag-optimize ng mga profile sa Google My Business (GMB) ay isa sa mga pinakamahusay na diskarte para mapalakas ang mga resulta ng lokal na paghahanap para sa iyong mga franchise. Madali lamang itong ma-set up.

Ang isa pang mahalagang gawin ay ang pag-set up ng mga partikular na Facebook page na para lamang sa isang lokal na prangkisa. Minsan, ayaw itong gawin ng mga franchisor kasi nga masyadong nagkaka-otonomiya ang mga franchisee sa pagpo-post. Ang payo ko, magkaroon ng isahang istratehiya at guidelines sa paggawa at pamamahala nito.

#4 Mahusay na Website
Ang isang mahusay na pagkadisenyo ng website ay isang napakahalagang parte ng digital marketing. Kung walang website, mabibigo ang iyong plano sa digital marketing. Nagho-host ito ng iyong content at social media at nagsisilbing iyong digital storefront. Ang unang lugar na hinahanap ng mga kostumer para sa iyong brand ay ang iyong website. Dapat ipakita ng iyong website ang iyong brand at ipaliwanag ang mga prinsipyo ng iyong kompanya.

Ang isang malinis at hindi kumplikadong disenyo ay magko-convert ng mga bisita sa mga mamimili.

Ayon sa Mediaboom.com, ang iyong website ay dapat na user-friendly. Upang maging talagang user-friendly, dapat itong mabilis at madaling i-navigate. Ibigay sa mga bisita ng website kung ano ang inaasahan nila at wala nang iba pa. Ang landas mula simula hanggang katapusan sa iyong website ay hindi dapat humihingi ng labis na pag-scroll o pag-click sa mga hindi kailangang pahina. Dapat mahanap ng mga bisita ang anumang kailangan nila sa isang page sa loob ng ilang segundo.

Dahil halos lahat ay mobile, i-optimize ang iyong website para sa mga mobile device. Mas maraming user ang makaka-access sa iyong website mula sa mga smartphone at tablet. Doon mo rin ilagay ang ang iba’t ibang lokal ng mga franchisee mo para mas mabilis ma-search mula sa iyong website. Siguraduhing may links ang mga ito sa kani-kanilang mga social media.

Konklusyon
Nakikipag-ugnayan ang franchise digital marketing sa mga kostumer online. Pinalalakas nito ang kaalaman sa brand, nagbibigay ng mga leads, at katapatan para sa pangkalahatan ng prangkisa. Maaabot mo ang mas maraming indibidwal gamit ang digital marketing. Magagmit mo rin ito kung nais makilala ang iyong brand at makakuha ng mga nais na maging franchisee mo.

Bilang isang negosyante, ang iyong franchise ay nangangailangan ng presensiya sa internet upang maakit at mapanatili ang mga kliyente. Ang mabisang pagmemerkado sa internet ay maaaring gawin ito. Sundin ang gabay na inilahad ko dito para matutunan kung paano maaaring mag-promote ang mga franchisee at pagkakalantad ng brand sa pamamagitan ng digital marketing. Panatilihing maging masipag, masinop, at magdasal sa Diyos upang maging matagumpay ang bawat gawain sa pagnenegosyo man o sa buhay.

vvv
Si Homer ay makokontak sa email na [email protected]