NANANATILING buo pa rin ang pag-asa ng Biofuel industry na maaaprubahan ang paggamit ng B5 sa diesel sa taong 2021.
Napag-alamang ang B5 o limang porsiyentong halo o blend na cocodiesel o cocomethylester sa diesel na ginagamit sa sasakyan ay una nang ipinanukala ng The Philippine Biodiesel Association (TPBA).
Ayon kay TPBA Spokesperson Dean Lao Jr., napaghuhuli na ang Filipinas sa paggamit ng biodiesel sapagkat mula nang magkaroon ng biodiesel noong 2007, resulta ng pagpapatupad ng RA 9367 o Biofuels Act of 2006, ay hindi na nadagdagan ang 2 porsiyentong blend ng coconut diesel bilang biofuel.
Nabatid na nais ng grupo na ito’y mapataas pa dahil bukod sa makatutulong maibsan ang polusyon sa hangin mula sa maruruming usok na ibinubuga ng mga sasakyan, makatutulong din ito sa kabuhayan ng mga driver ng public utility vehicle sapagkat malaking katipiran kung B5 ang gagamitin.
Sinabi naman ni Asian Institute of Petroleum Studies Rafael Diaz, hindi pa natatapos ang 30,000 kilometer B5 run ng Department of Energy (DOE) para ito maipatupad.
Subalit nais nilang itama ang anila’y maling pagkuwenta sa sinasabing laki ng gastos kung B5 ang gagamitin.
Hindi rin anila P2.00 kada litro ang madaragdag sa kasalukuyang konsumo, kundi 22 sentimos lamang. Ayon pa sa grupo, kung hindi magagawang itaas agad sa 5 porsiyento ang coconut blend sa diesel, maaari naman anilang kahit 3 porsiyento o B3 na lang muna ang isulong para sa kapakanan ng kapa-ligiran at ng lahat ng mamamayan. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.