PAGGAMIT NG CANNABIS PAG-ARALANG MABUTI

BUKAS si Senator and chair of the Senate Committee on Health Christopher “Bong” Go sa panukalang pagpapahintulot sa paggamit ng marijuana para sa medical purposes sa Pilipinas, ngunit dapat ay mayroong malalim na pag-aaral para sa tamang regulasyon nito.

Sa isinagawang subcommittee on health hearing hinggil sa medical cannabis, binanggit ni Go na maging si dating pangulong Rodrigo Duterte ay bukas sa naturang panukala sa kabila ng kanyang mahigpit na pagtutol sa ilegal na droga.

“I am for its medical use so I am open to proposals on how we can regulate medical marijuana in such a way that there are enough safeguards. Pag-aralan po natin ng mabuti,” saad ni Go.

“Bilang Chairperson ng Senate Committee on Health, palagi kong inuuna ang kalusugan ng bawat Pilipino. Kaya kung ano man ang makakatulong sa paggamot ng mga sakit ay susuporta naman po ako dito,” aniya pa.

“I am very much open, but I want to emphasize the importance of proper regulation if we are to allow and support medical marijuana. Hindi lang medikal ang pinag-uusapan dito, kundi pati kung papaano mare-regulate ng maayos at hindi po maaabuso ang paggamit ng cannabis,” ayon pa sa senador.

Ayon kay Go, hindi dapat sayangin ang makabuluhang mga natamo mula sa mabangis na anti-illegal drug campaign na isinagawa ng nakaraang administrasyon sa pamumuno ni Duterte at hindi dapat bigyan ng pagkakataon ang mga masasamang elemento na pagsamantalahan ang panukala kung magiging batas.

“Naging masidhi ang kampanya ng dating administrasyon kontra ilegal na droga kaya importante na hindi ito mapabayaan at hindi maabuso ng masamang elemento ang dapat na makakatulong sana sa may sakit,” ayon pa kay Go.

“Importante rin sa atin na mabalanse ang interes ng nakararami. Importante ang kalusugan. Importante rin ang peace and order. At importante po ang rule of law. Lahat ng ito ay mga aspeto na dapat ikonsidera sa pagpasa ng panukalang ito,” susog ng senador.

Binigyang-diin din ni Senator Go ang kahalagahan ng pagkuha ng isang pinag-isang diskarte at pagbabalanse sa lahat ng aspeto tulad ng halagang medikal, kaayusan ng publiko, mga oportunidad sa ekonomiya, at iba pa. Iminungkahi din niya na ang Food and Drug Administration ay dapat gumanap ng mahalagang papel sa pagtukoy ng nakapagpapagaling na halaga ng cannabis.

Sa panahon ng pagdinig, ibinigay rin niya ang kanyang buong suporta sa Subcommittee on Health Chairperson, Senator Robinhood Padilla, para sa pagsisimula ng pagdinig na kumikilala sa medikal na cannabis bilang isang alternatibong paraan ng medikal na paggamot.

“Ito po ay adbokasiya talaga ni Senator Padilla kaya alam ko po na makabuluhan at produktibo ang ating diskusyon sa hearing na ito. Hindi po basta-basta ang usapin na ito,” dagdag pa ni Go.

“Marami nang naging pag-aaral at debate ukol dito kaya nararapat lang po na mayroon tayong subcommittee sa ilalim ng Committee on Health na nakatutok po talaga dito.”

“Matagal n’yo na po itong ipinaglalaban dahil nakakatulong talaga ang medical marijuana sa mga pasyente o sa mga mahal nyo po sa buhay.

“Saludo po ako sa inyong dedikasyon at adbokasiya na ipaglaban ang wastong paggamit ng marijuana bilang gamot sa bansa. Kaisa ninyo po ako lalo na pagdating sa usapin kung paano tayo makatulong sa mga mahihirap nating kababayan na walang access sa gamot na maaaring makatulong sa kanila,” pahayag pa ni Go.

Tinukoy nito ang mga kahanga-hangang natamo mula sa paglaban ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa ilegal na droga, muling isinampa ni Go ang SBN 428 na naglalayong magtatag ng Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center sa bawat lalawigan sa buong Pilipinas. Ang sentro ay dapat magbigay ng pangangalaga, paggamot at akomodasyon sa mga umaasa sa droga; pahusayin ang kanilang pisikal, sikolohikal at panlipunang kakayahan upang makayanan ang mga karaniwang problema; at magbigay ng after-care, follow-up at social reintegration services, bukod sa iba pa.