BAGUIO CITY- MAHIGPIT na ipinagbabawal ang paggamit ng cellphone at iba pang distractive devices habang naglalakad sa sidewalk at tumatawid sa kalsada upang mapangalagaan ang kaligtasan ng publiko sa lalawigang ito.
Sa inaprobahang Ordinance No. 49 Series of 2018, ipinagbabawal ang paggamit ng mobile devices na nagti-text habang tumatawid sa pedestrian crossing o naglalakad sa sidewalk kung saan naantala ang paglalakad ng iba pang pedestrian.
Maging ang pagbabasa habang naglalakad sa sidewalk o kaya tumatawid sa pedestrian crossing ay mahigpit na ipinagbabawal.
May katumbas na parusa at multa ang sinumang lalabag sa Anti-Distracted Walking Ordinance kung saan iri-reprimand sa unang paglabag habang sa ikalawang paglabag ay pagmumultahin ng P1K o community service.
Sa ikatlong pagsuway sa ordinance ay pagmumultahin ng P2K at community service o kaya 1-10 araw na pagkakakulong at sa ikaapat na paglabag ay pagmumultahin ng P2.5K at community service o 11-30 araw na kulong.
Sa kasalukuyan, bantay-sarado sa Baguio City ang mga personnel ng Public Order and Safety Division (POSD) ng Mayor’s Office; Baguio City Police Office (BCPO), Baguio Traffic Management Unit (TMU); Barangay Tanods at Enforcers kung saan pinayuhang ipatupad na may maximum tolerance sa mga pasaway at lalabag sa nasabang ordinansa. MHAR BASCO