PAGGAMIT NG CHILD CAR SEAT IPATUPAD

Emer Rojas

HINIKAYAT ng ilang civil society group ang bawat pamilyang may pribadong sasakyan na may sanggol na gumamit ng child car seats upang matiyak na maprotektahan sa kapahamakan ang kanilang mga anak dulot ng dumaraming aksidente sa lansangan.

Sa isang press conference, binigyang diin ni Emer Rojas, pangulo ng New Vois Association of the Philippines (NVAP) ang kahalagahan ng paggamit ng child seat  sa loob ng sasakyan kasunod ng pagpapatupad ng RA 11229 o Child Seat Law na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Pebrero 22, 2019.

“NVAP was very honored to spearhead this campaign ahead of the implementation of RA 11229. We know that worldwide as estimated 142,000 children die every year because of road crashes. The full implementation this law will protect young children from the impacts of road accidents and save them from possible disability or deaths,” saad ni Rojas.

Napag-alaman sa pag-aaral ng NVAP, nasa 1.3 mil­yong road crash ang naitatala sa iba’t ibang panig ng daigdig kada taon habang tinata­yang 142,000 kabataan o mula sa infant hanggang sa edad 14 ang namatay sa aksidente sa loob ng sasakyan na walang child seat noong 2015.

Sa Filipinas, taon-taon, may average na 671 road related fatalities ang naitatala sa mga kabataan na nasa edad 14 pababa simula noong 2006 hanggang 2014 habang umaabot naman sa P342 milyon ang nawawala dulot ng crash injuries habang nasa P2.46 bilyon naman ang income loss dulot ng pagkamatay sa aksidente.

Kasunod nito, nagbigay ang NVAP katuwang ang Philippine Laryngectomee Club Inc., Rotary Club of Katipunan at TAU Corp. Phils. ng 20 libreng child seats para sa mga magulang na kanilang magagamit bilang pagpapakita ng suporta sa naturang batas.

Ayon naman kay Volet Rojas, pangulo ng Rotary Club of Katipunan na sa pamamagitan ng naturang hakbang ay mababawasan ng 54 porsiyento hanggang 80 porsiyentong aksidenteng kasasangkutan ng mga sanggol sa loob ng pribadong sasakyan. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.