NAKATAKDANG pag-aralan ng Department of Health (DOH) kung dapat pagsuotin na rin ng double face mask ang mga Pinoy upang mas epektibong makaiwas na mahawa ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), partikular na ng bagong variant nito, na nakapasok na rin sa Filipinas.
Kasunod na rin ito ng rekomendasyon sa Estados Unidos na pagamitin ng dobleng face mask ang kanilang mga mamamayan para magkaroon ng dagdag na takip at proteksiyon sa mukha at hindi makadaan ang ‘respiratory droplets’.
Sa kabila nito, sinabi naman ni Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire na sa kanyang palagay ay doble na rin naman ang proteksiyon na ginagawa ng mga Pinoy sa ngayon.
Bukod kasi sa face mask ay nagsusuot na rin sila ng face shield kapag lalabas ng kanilang mga tahanan.
“Kasi sa tingin natin ‘yung isang mask na suot natin plus the face shield is enough to be protected.
Mapapansin po natin from the time we implemented a mask and face shield hindi na masyado nagba-balloon. Although tumataas ang kaso pero nama-manage po natin,” paliwanag pa ni Vergeire, sa Laging Handa public briefing.
Aniya pa, kung talagang nararapat ang pagsusuot ng isa pang face mask, kakailanganin ng DOH ng sapat na ebidensya na mas mabisa nga ito.
Gayunman, sa tingin ng opisyal, ang face mask ay naggagarantiya naman na ng 60 hanggang 70% proteksiyon sa mga mamamayan.
Kung daragdagan pa aniya ito ng face shield at physical distancing ay 99% na ang proteksiyon na nakukuha ng mga mamamayan laban sa COVID-19.
Nabatid na sa Amerika ay hindi inirerekomenda ang pagsusuot ng face shield sa kanilang mga mamamayan.
Gayunman, marami pa ring mga Amerikano ang ayaw magsuot maging ng face mask sa mga pampublikong lugar. Ana Rosario Hernandez
Comments are closed.