PAGGAMIT NG EURO 2 DIESEL INIUTOS NG DOE

DOE-DIESEL

NAG-UTOS ang Department of Energy (DOE) na magbenta ng Euro 2 diesel ang oil companies para may mas murang gasolinang mabibili ang mga konsyumer.

Mas mura mula P0.28 sentimo hanggang 0.30 sentimo ang euro 2 diesel kumpara sa ibinibenta ngayong euro 4 o euro 5.

Bagamat mura, hati ang opinyon ng mga bumibili ng diesel dahil sa mas marumi ang maaa­ring maibuga nitong usok. Ang mga sasakyang may maiitim na usok  ay hinuhuli ngayon sa ilalim ng Clean Air Act. Habang ayon naman sa pag-aaral ng DOE, sakto sa mga sasakyang gawa ng taong 2015 pababa ang euro 2 kung kaya’t may ibang konsyumer na pabor sa euro 2.

Inalmahan naman ng mga independent oil companies ang utos na ito dahil magkakaproblema umano sila sa paglalagyan ng euro 2 diesel sa kanilang mga planta at mismong gasolinahan.

Giit nila, kung gusto ng gobyerno ng mas murang petrolyo, maaaring tanggalin ang biodesel na magbabawas ng P2.00 kada litro o puwede ring hayaan silang mag-angkat ng ethanol na magbabawas ng hanggang P3.00 kada litro sa gasolina.

“They just have to relax the train law again, “yung implementation ng train. The excise tax pagdating sa diesel dahil tinaas nila e,” dagdag pa ni Atty. Bong Suntay, presidente ng  Independent Philippine Petroleum Companies Association sa isang panayam.

Nanindigan naman ang DOE sa kanilang direktiba dahil paliwanag nila, hindi ito lalabag sa Clean Air Act dahil hindi sakop ng emission test ang sulphur content.

Magulo naman para sa mga transport leaders dahil noong nakaraan ay pinag-upgrade sila ng mga makina para umakma sa euro 4 diesel, ngu­nit ngayon naman ay babalik sa euro 2 diesel.

Sa ngayon ay wala pang inilalabas na sanctions ang DOE para sa mga kompanyang hindi susunod sa utos.  LYKA NAVARROSA

Comments are closed.