PAGGAMIT NG FACE SHIELD IBABALIK

PINAG-AARALAN na ng gobyerno ang posibilidad na ibalik ang paggamit ng face shield sa harap ng panganib na dulot ng bagong Omicron variant ng Covid-19.

Sinabi ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez na maging si Health Secretary Francisco Duque ay pabor na muling ipatupad ang patakarang paggamit ng face shield sa mga pampublikong transportasyon at mga kulong na pasilidad gaya ng malls.

“Kasi some people from WHO (World Health Organization) also believed na kaya nagkaroon tayo ng magandang result dito sa Delta as compared to others is because of also the added protection of face shield,” dagdag pa ni Galvez.

Nitong Nobyembre 15 ay inianunsiyo ang boluntaryo na lamang na pagsusuot ng face shield kasunod ng pagpayag na lumabas na ang mga bata sa mall o mga pasyalan.

Maliban sa pagtanggal ng polisiya sa face shield, pinayagan na rin ang mga bata na lumabas ng bahay na ang resulta ay mala-piyestang kundisyon sa mga malls at iba pang pampublikong lugar.