PAGGAMIT NG FIRECRACKERS BAWAL SA LAS PIÑAS

INIHAYAG ng lokal na pamahalaan ng Las Pinas ang mahigpit na paggamit ng kahit anong uri ng paputok para sa selebrasyon ng nakaugaliang pagsalubong sa Bagong Taon sa lungsod.

Sinabi ni Las Piñas City Mayor Imelda ‘Mel’ Aguilar na ang lokal na pamahalaan ay ipinatutupad ang implementasyon ng pagbabawal sa paggamit ng mga paputok sa lungsod magmula pa noong 2017.

Sa ilalim ng naturang ordinansa, sinabi rin ni Aguilar na kasalukuyang pinaiigting ng City Health Office (CHO) ang kampanya ng pagbibigay ng impormasyon tungkol sa panganib na idudulot ng mga paputok at pyrotechnics devices sa buhay ng tao, ari-arian at kapaligiran.

Magsagawa rin ng regular na pagpapatrulya ang mga barangay personnel upang ma-monitor ang kanilang pagsunod sa naturang ordinansa pati na rin ang pagreport ng mga lumabag sa ordinansa sa Business Permit and Licensing Office (BPLO).

Kasabay nito, inatasan ang BPLO na magtalaga ng tao para magbantay at mangumpiska ng mga nakadisplay at ibinebentang paputok at pyrotechnics sa buong lungsod.

Papayagan lamang ang mga community fireworks displays matapos makukuha ang mga organizers ng permit na magdala at magsagawa ng fireworks display sa lokal na pulisya at Bureau of Fire and Protection (BFP).

Bukod pa sa permit ay kailangang isagawa ang mga fireworks displays sa isang bakanteng lote na mayroong 100 metro ang layo sa mga tao at ang mga sisindihang fireworks ay puro pataas lamang ang direksyon.
MARIVIC FERNANDEZ