PAGGAMIT NG GLUTATHIONE DAPAT MAY RESETA NG DOKTOR

glutathione injection

NILIWANAG kama­kailan ni Katherine Lock, officer-in-charge (OIC) ng Center for Drug Regulation and Research ng Food and Drugs Administration (FDA) na ang paggamit ng glutathione ay kinakailangan ng doctor’s prescription o reseta ng doktor.

Ayon kay Lock, ang glutathione, na kilala bilang pampaputi ng balat, ay hindi rehistrado bilang isang skin-lightening product kundi gamot na panlunas sa karamdaman.

Nilinaw pa niya na ang pagputi ng balat dahil sa paggamit ng glutathione ay side effect lamang ng naturang gamot.

“Ito (glutathione) po ay gamot, ginagamit lamang para manggamot ng sakit. ‘Yun pong pampaputi ay side effect po ito ng gamot,” paliwanag pa ni Lock sa isang panayam.

Binigyang-diin pa ng FDA official na ang glutathione ay hindi dapat na gamitin sa ibang layunin, gaya nang pagpapaputi.

Sakali naman aniyang gagamit nito ay dapat na may reseta muna mula sa doktor, partikular na kung ibibigay ito sa pasyente sa pamamagitan ng drip o injectable.

“Dapat hindi po ito ginagamit sa ibang purpose dahil ito po ay panggamot sa sakit,” pa­liwanag pa niya. “Kung wala pong sakit, dapat hindi po ito ginagamit.”

“Kailangan po mayroon pong reseta galing sa doktor. Lalo na po itong mga binibigay sa pamamagitan ng drip o mga tinatawag na injectable,” aniya pa.

Kaugnay nito, sinabi ni Lock na sisilipin ng FDA kung saan kinukuha ng beauty cli­nics ang iniaalok nilang glutathione drips at iba pang produkto dahil dapat na mula lamang ito sa lisensiyadong establisimiyento ng FDA.

Matatandaang nagbabala ang FDA hinggil sa mga ‘toxic side effects’ nang paggamit ng glutathione sa atay, bato at nervous system.     ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.