NILINAW ni Senador Panfilo Lacson na kailangan pa rin na dumaan sa Kongreso ang plano ng Pangulong Rodrigo Duterte na gamitin na lamang ang pondo sa road users tax para sa infra at flood control projects sa lalawigan ng Bicol na hinagupit ng bagyong Usman.
Ayon kay Lacson, tulad ng proseso dapat na idaan ito sa Senado at Kamara para sa pag-apruba bago lagdaan ng Pangulo.
Gayunpaman, pabor si Lacson sa plano ng Pangulo at suportado rin nito ang pahayag ni House Majority Leader Rolando Andaya na isama ito sa DPWH budget para madaling ma-monitor at hindi magamit sa katiwalian.
Sa panig naman ni Senador Joseph Victor Ejercito, suportado nito ang mungkahi ng Pangulo na gamitin ang pondo ng road users tax para sa mga nasalanta ng bagyong Usman sa lalawigan ng Bicol, subalit hindi dapat lahat ng pondo ay ilaan para rito.
Giit ni Ejercito, dapat na magtira pa rin ng pondo para sa road safety program dahil mahalaga ang kaligtasan ng mga motorista at ng mga pedestrian sa lansangan. VICKY CERVALES
Comments are closed.