PAGGAMIT SA SANTO BILANG DRUG COURIER BINATIKOS NG CBCP

Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara

BINATIKOS ng opisyal ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang  paggamit ng imahen ng mga Santo sa masamang gawain, tulad na lang ng pagpupuslit ng ilegal na droga.

Ayon kay Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Social Communication, isang malaking kalapastanganan sa pananampalatayang Katoliko ang nadiskubreng ile­gal na droga sa likod ng imahen ng Mahal na Birhen na ipi­nuslit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kamakailan.

“Sana hindi gamitin ang mga bagay sa ating Simbahan tulad ng mga Santo para gumawa ng masama,” ani Vergara, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Nanawagan ang Obispo na iwasan ang mga masasamang gawain tulad ng pakikisangkot sa ilegal na droga.

Batay sa ulat ng Bureau of Customs, nakumpiska ang nasabing frame ng Mahal na Birhen sa NAIA kung saan isiniksik sa likurang bahagi ang mga shabu.

Ayon kay Customs Commissioner Isidro Lapeña, sinasamantala ng mga sangkot sa ilegal na droga ang mga Filipino dahil higit sa 80 porsiyento rito ay mga Katoliko.

Sa kabuuan, aabot sa mahigit P15 milyon ang nakumpiskang ilegal na droga na nakasilid sa iba’t ibang mga produkto kabilang ang nasa larawan ng Mahal na Birhen.                  ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.