PAGGASTA BAWASAN–OBISPO

Broderick Pabillo

NANAWAGAN ang isang Obispo ng Simbahang Katolika na umiwas ang publiko sa paggasta o pigilin ang pagbili ng mga bagay na hindi naman kinakailangan sa pang-araw-araw na buhay.

Ayon kay Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo na isang dahilan ng pagkasira ng ating kalikasan ay ang ‘throwaway culture’ kung saan nakikita ang lahat bilang bagay na napapalitan, itinatapon at pansamantala lamang.

Sa ganitong pag-uugali, ayon sa Obispo ay dumarami ang nalilikhang basura na siyang nakasasama sa kalikasan.

“Marami tayong itinatapon kasi marami tayong binibili. Kaya dapat kalabanin natin ang consumerism. ‘Yung pagbibili sa mga bagay na hindi naman natin kailangan. Kaya dapat natin kalabanin ang consumerism,” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radyo Veritas.

Dagdag pa ng Obispo na sa halip na bumili ng mga bagay na hindi kinakailangan ay itulong na lamang ito sa mga na­ngangailangan bilang pag-aayuno na rin ngayong panahon ng Kuwaresma.

Sang-ayon din ito sa pahayag ng Kanyang Kabanalan Francisco na ‘Consumerism is the enemy of generosity’.

Una na ring inanyayahan ni Bishop Pabillo ang mga mananampalataya na tumugon sa panawagan ng pagkakawanggawa ngayong panahon ng Kuwaresma. PAUL ROLDAN

Comments are closed.