PAGGAWA NG TARI ISANG NAPAKALAKING HANAPBUHAY

PUSONG SABUNGERO

AYON sa tala ay umaabot na sa mahigit isang milyong manok ang naisasabong kada buwan o kabuuang 12 milyon sa isang taon.

Dito pa lamang ay makikita na natin ang malaking opportunity kung ikaw ay mananari, gumagawa ng tari pati accessories nito. Sa aking tala ay daan libong Pinoy ang marunong magtari at marami na rin ang pumasok sa paggawa nito. Kahit saan sa Pinas ay may tari maker, kanya-kanyang estilo, sistema at paraan ng paggawa. Ang nakamamangha pa rito ay ang uri ng bakal na ginagamit. Mga top of the line metals na high speed at ginamitan pa ng pagsusuri ng mga bihasa sa bakal. Ganyan kaselan ang mga sabungero na gagawin ang lahat upang magkaroon ng ‘winning edge’, ika nga.

Dahil dito ay umusbong ang industriya ng paggawa ng tari na sa ngayon ay hindi pa malaman kung ilang daang milyon kada taon ang binibili ng mga sabungero para gamitin sa kanilang mga manok panabong. Kung isang milyong manok kada buwan ang nailalaban, ang lahat ng ito ay dapat kabitan ng tari. Ilagay natin na ang halaga ng tari ay P1000.00 kada isang piraso, dito pa lamang ay aabot sa ISANG BILYON ang halaga nito.

Napakaraming gumagawa ng tari sa buong bansa. Sa ­aking tala ay si AMPY TARI ang una kong nakilala at sunod-sunod ay dumami nang dumami ang aking nakilala at natulungan na makilala. Isa rito si Bong Tari Abaga ng Cavite. Sumunod ay sina Vic Gabriel ng Batangas, Carlo Nicolas ng Carlo tari makers and accessories, Arnel Vendero ng Cebu at marami pang iba.

Ilan sa mga kinikilalang supplier ng kalidad na mga bakal ay si Richard Calitan Bilan, San Bangkas De Alamo ni Glenn Sanchez, at German Steel Expert Andres Thiel.

Kaya pala tinawag na High Speed Steel ay dahil ang nilalagari nito ay kapuwa bakal din. Kung ating iisipin, ganito katindi ang bakal na kinakabit sa nilalabang mga manok. Sa isang tama pa lang ay giba ang lahat na daraanan ng tari na ito kung tatama sa malambot na katawan ng mga manok kasama na ang mga buto nito.

Sinabi ng isang kilalang gumagawa ng mga circular blade na taga-Germany na nagulat siya sa lakas ng order ng mga Filipino ng circular blade kung saan  kanyang ginagawa ang KARNASCH METÀL. Si RICHARD CALITAN BILAN ang isa sa pinakamalakas umorder ng bakal na ito na ayon sa kanya ay angkop na angkop sa panlasa at taas ng kalidad ng mga Pinoy na mananari. Ang bakal na ito ay ang KARNASCH SUPREME 3000 na ginagamit ngayon sa mga malalaking derby sa bansa.

Ang isa pang uri ng bakal ay gawa naman sa Netherlands. Ito ay ang KINKELDER na sinasabing kasing taas ng kalidad ng KARNASCH. Sa akin pong pakikipagpulong kay Richard Calitan ay sinabi niyang ito ay ginagamitan ng WATER JET TECHNOLOGY sa pagputol nito upang hindi mabawasan ang kanyang kalidad at tigas ng bakal. Noong unang panahon ay panday at mataas na temperatura ng apoy ang gamit sa pagputol ng mga bakal na tulad nito.

Sa susunod na Linggo ay ibabahagi ko sa inyo kung ano-ano ang iba’t ibang klase ng bakal ang ginagamit sa paggawa ng tari.

Comments are closed.