PAGGAWAD NG PRANGKISA NG SERBISYONG-KORYENTE SA ILOILO

Magkape Muna Tayo Ulit

NAKATAKDANG dinggin sa Senado sa Lunes ang House Bill 8302 na magbibigay ng karapatan para sa kompanyang MORE Electric and Power Corp. na magsuplay ng koryente sa Iloilo.

Noong isang linggo, minadali ng mababang kapulungan ang pagpasa ng House Bill 8132 na sinumite ng MORE na pagmamay-aari ng ma­yamang negosyanteng Enrique Razon Jr. para palitan ang prangkisa ng Panay Electric Company Inc (PECO), na  pag-aari naman ng pamilya Cacho.

Sa loob ng 95 taon, ang PECO na isang tubong Ilonggong kompanya ang nagsusuplay ng koryente sa Iloilo City. Sa darating na Ene­ro, matatapos na ang permiso ng PECO kaya naman noon pang Hulyo ng nakaraang taon, nagsumite na ito ng House Bill sa Legislative Franchise Committee para i-renew ang prangkisa nila.

Ang masakit na parte, binalewala ng Kongreso ang pagdinig sa sinumiteng aplikasyon ng PECO. Inabot ng tatlong buwan bago nagsagawa ng unang hearing ang Committee para rebisahin ang aplikasyon ng PECO para i-renew ang kanilang prangkisa. Wala nang sumunod na pagdinig pagkatapos nito.

Nito lamang Agos­to, nagsumite ng kanilang aplikasyon ang MORE para makakakuha ng prangkisa na ma­ging power distributor sa Iloilo. Isang buwan lamang ang inabot at nagtakda na ng hearing ang Committee at nito ngang nakaraang linggo, napakabilis na naipasa na agad ang House Bill 8132!

Ano kaya ang nangyari sa Kongreso kaya mabilis na naipasa agad ito sa isang iglap?

Ayon sa Committee, iginawad nila ang prangkisa sa MORE kasi raw maraming nagreklamo sa PECO sa ‘di nito pagbibigay ng refund sa kos­tumer dahil sa diumano sobrang singil sa kor­yente na ginawa nito. May nagsabi pang kinastigo raw ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang PECO dahil sa ‘di pagbibigay ng refund.

Mismong si ERC Chair Agnes Devanera ang nagpabula na walang pagkastigong naganap sa PECO. Isang maling ba­lita lamang ang kumalat tungkol dito.

Marami tuloy ang nababahala, pati na ang mga taga-Iloilo kapag pinalitan ng MORE ang PECO. May basehan naman kasi ang kanilang pagkabahala. Wala ka­sing sapat na teknikal na kaalaman, makinarya at ekspertong tauhan ang MORE para magbigay ng maaasahang serbisyo sa mga Ilonggo. Ang kompanya ay nasa industriya kasi ng minahan.

Isang congressman na taga-Mindanao nga ang naglabas ng kaniyang pangamba at nagsabing maaaring pagbuntunan ng sisi at galit ng mga taga Iloilo ang mga kongresistang nagsulong ng paggawad ng prangkisa sa MORE kapag nagkaroon ng krisis sa koryente sa Iloilo.

Dagdag pa ni Anak Mindanao partylist representative Makmod Mending, dapat daw nagbigay ng probisyon ang komite ng gawaran ng kahit isa o dalawang taon para palawigin ang prangkisa ng PECO nang sa gayon ay maging malinis at disimulado ang pagpasa nito sa itatalaga nilang bagong magsusuplay ng koryente.

Nasa kamay na ng Senado kung igagawad na nang lubusan sa MORE ang prangkisa ng PECO. Nawa’y maging patas ang mga senador at susuriing mabuti ang buong sitwasyon bago magdesisyon para maiwasang maghinala ang taumbayan at mga taga-Iloilo na may kinakatigang negosyante o kompanya ang ating mga mambabatas.

Comments are closed.